Ani ng kape, apektado ng global warming: DTI-Bataan sumaklolo sa coffee farmers

   Sa ginanap na Kapihan sa DTI-Bataan, sinabi ni Cindy Jaime, trade and industry specialist, na kung dati ay malalaking coffee beans ang inaani ng may 252 farmers sa Tala, Orani, ngayon ay maliliit na ito bukod pa sa bumaba rin ang kanilang produksyon na mula 20 kilo kada puno ay bumagsak ito sa 3-kilo na lamang kada puno.

   Anya, marami ring puno ng kape ang nagsitumba at namatay noong manalasa ang bagyong “Yolanda” noong isang taon. Apektado rin ng global warming o sobrang init ng panahon ang naaaning kape.

   Ito rin ang dahilan, kaya’t patuloy ang DTI-Bataan sa pagsasagawa ng livelihood at skills training program para sa mga coffee farmers kung saan habang hindi pa panahon ng anihan ng kape ay tinuturuan naman nila ang mga ito na gumawa ng ube jam, fruit candies at pineapple jam at iba pang root crops bilang kanilang alternatibong pagkakakitaan.

   Ang mga buwan ng Disyembre, Enero at Pebrero ang itinuturing na peak season o panahon ng anihan ng kape sa Tala kung saan umaabot sa P2.5 milyon ang kabuuang kita kada taon ng mga magsasaka para sa 25 toneladang kape na kanilang inaani sa may 50 ektaryang lupain.

   Sinabi ni Nelin Cabahug, DTI Provincial Director, na mula pa noong 1995 ay kanila nang inaalalayan ang mga magsasaka sa industriya ng kape at ang pinakahuli ay ang pagkakaloob nila sa mga kasapi ng Tala Orani Multi-Purpose Cooperative (TAMCO) ng P1.6-M halaga ng coffee processing equipment sa ilalim ng kanilang programang Shared Service Facility (SSF).

   Anya, ang TAMCO ang pangunahing supplier ng kape gaya ng Robusta at Arabica, dalawang uri ng coffee bean na ginagamit sa commercial coffee production, sa Nestle’ Philippines at sa pamamagitan ng nasabing upgraded equipment tiyak na darami ang kanilang magagawang milled coffee beans at mapapahusay pa ang kalidad ng kanilang produkto.

   Nabatid na naibebenta ng mga magkakape ang bawat kilo ng milled coffee bean sa halagang P103 kung saan halos 50 porsiyento ay kanilang kita na. Magbabayad lamang ang mga lokal na magkakape sa Kooperatiba ng P15 kada kilo ng coffee bean para sa milling. Pagkatapos ay maibebenta na nila ito sa kompanya.

   Sinabi pa ni Cabahug na isang pagkakataon rin ito para mapasok ng mga lokal na magkakape ang malalaking coffee chains sa loob at labas ng Bataan. “Maili-link natin ang kape ng Bataan sa malalaking coffee stores tulad ng Starbucks at Beanery. Alam nila na kapag galing sa Bataan, tiyak na masarap ang kape.”  sambit pa nito.

Sending
User Review
0 (0 votes)
scroll to top