Briefing at orientation para sa Bantay Peste brigade, sinimulan na

PILAR, Bataan – Mapalad ang mga magsasaka sa bayang ito dahil isa sila sa mga napili ng Regional Care Protection Center RCPC upang lumahok sa Farmers Field School on Bantay Peste Brigade kung saan isinagawa na kahapon ang briefing at orientation sa Sityo Aquino.
Ayon kay Edgardo Supan, Sr. Science Research Specialist, ang pag-aaral para puksain ang mga pesteng insekto na mapanira ng palay ay isasagawa tuwing araw ng Martes na aabot sa labing anim na linggo.

Sinabi naman ni Julie Ann Dizon, Municipal Agriculturist, napakahalaga at napapanahon ang pag-aaral na tulad nito dahil sa tuwing sasapit ang tag-ulan lumilitaw ang mga kulisap, uod at iba pang mga naninira ng palayan.

Ipinahayag naman ni Louie Rodis, Provincial Coordinator ng Office of the Provincial Agriculturist, na kailangang ituro sa mga magsasaka ang mga ganitong sistema o pamamaraan para kung sakali man darating sa kanilang palayan ang ganitong insekto na ikasisira ng kanilang pananim ay hindi na sila mabulaga at kanila itong mapuksa kaagad.
Kaugnay nito si Josephine Ciriaco, Agriculture Extension Worker/Farm Technician ang siyang tututok sa mga magsasakang mag-aaral na aktwal na isasagawa mula sa pagtatanim hanggang sa anihin ang mga palay.

Sa darating na Martes, ika-18 ng Hulyo, sisimulan ang demonstrasyon sa bukid na pag-aari ni Alfredo Dilig, isang magsasaka kung saan sila ay magtatanim ng palay, aalagaan hanggang sa takdang panahon ng pag-ani at dito na rin ituturo sa mga magsasaka ang pamamaraan ng pag-alaga, ang pagbibigay ng abono at kung dumating man na magkasakit o kaya man pamahayan ng mga insekto ang mga palay.

Ang mga pesteng insekto at uod na babantayan ng mga magsasaka sa ilalim ng programa ng Regional Care Protection Center katuwang ang Department of Agriculture sa Bantay Peste Brigade ay ang Army Worm, Stem Borer, Green Leaf Hoppers, Worm Maggot at iba pa.
Layunin ng naturang programa na mapalakas at mapalaki ang aanihin ng mga magsasaka sa maliit na gastos lamang.

Ang mga magsasaka na makikinabang sa naturang proyektong ito ay ang mga miyembro ng Magsaysay Irrigators Service Association Inc., Aningay Farmers, Aquino Farmers, Kamalig, Lupang Tagalog at mgamagsasaka mula sa Nagwaling.

Sending
User Review
0 (0 votes)
scroll to top