Gob. Abet sa mga kababayan sa Mariveles: ‘Wala po kayong dapat ikabahala ‘

Kasabay nang kumpirmasyon na may limang (5) pasyenteng positibo sa COVID-19 ang dinala sa Mariveles Mental Wellness and General Hospital (MMWGH), tatlo (3) noong ika-23 ng Marso at dalawa (2) kahapon, ay ang paniniguro ni Gobernador Albert Garcia, na walang dapat ikabahala ang ating mga kababayan ukol dito.

Napag-alaman ng gobernador mula kay MMWGH chief of hospital Dr. Maria Lourdes Evangelista, na pawang hindi taga-Bataan ang mga pasyente. “Sila po ay nauna nang mga kaso na naka-quarantine sa New Clark City (NCC) na minabuti ng Department of Health (DOH) na ilipat sa MMWGH upang mas mapangalagaan dahil puno na po ang mga hospital kung saan sila galing. Hindi po sila makakahalubilo ng ating mga kababayan sa Mariveles dahil under strict isolation protocol po sila,” ang sabi ni Gob. Garcia.

Ipinahayag din niya na may kakayahan at kasanayan ang mga medical personnel at staff ng MMWG para sa mga kaso ng COVID-19 dahil ito ay isang national hospital na nasa ilalim ng direktang pangangasiwa ng Department of Health (DOH).

Ipinaliwanag ni Dr. Evangelista na nasa mandato nang lahat ng national hospitals katulad ng MMWGH na tumanggap at mag-alaga ng mga kasong ililipat sa kanila upang mas makatulong sa ating mga kababayang naapektuhan ng CoVID-19 sa panahong ito ng pandemic.

Sinabi ni Dr. Evangelista na nakipag-ugnayan sa kanila ang DOH noong Lunes, March 23 tungkol sa limang pasyente ng COVID-19 at isang PUI. “Naihatid sa MMWGH ang mga naturang pasyente noong Miyerkules, March 25 nang may ibayong pag-iingat. May mga kasama silang doctor at nurses mula sa DOH na may suot na Personal Protective Equipment (PPE).”

Idinagdag pa niya, “nakahanda na po ang Admissions and Crisis Intervention Unit (ACIU) na siyang nagsisilbing isolation facility sa loob ng compound ng MMWGH bago pa man inihatid ang mga bagong pasyente. Puno na po ang mga hospitals sa paligid ng NCC at tayo naman po dito sa MMH ay may kakayahan. Hindi po makatarungan kung tatanggihan natin ang mga ganitong hakbangin ng DOH para sa kapakanan ng ating mga kababayan.”

“Ang mga pasyente po sa kasalukuyan ay nasa restricted area sa ACIU. Ito po ay nasa isang gusaling nakahiwalay sa general population ng ating mental institution. Mayroon po itong 19-bed capacity with 6 isolation rooms and ward type kaya po tayo ay handang tumanggap ng mga PUIs at maging mga COVID-19 positive.
“At kahit po ang mga pasyenteng dinala ay mild cases, mahigpit po nating ipinatutupad ang kanilang isolation.”

At bilang tugon sa panawagan ng punong bayan ng Mariveles na si Mayor Josephine Castaneda, sinabi ni Dr. Evangelista na hindi na pauuwiin sa kani-kanilang bahay ang mga health workers at staff ng hospital “sa ikapapanatag ng kalooban ng mga taga-Mariveles.”

Humingi rin ng paumanhin ang doktora “sa opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan at Bayan ng Mariveles sa umano’y kakulangan ng pakikipag-ugnayan ng DOH Crisis Management Team” tungkol sa paglipat ng mga naturang pasyente.

Sa dialogue na naganap sa pagitan ng mga opisyal ng MMWGH at bayan ng Mariveles kanina, hiningi rin ni Dr. Evangelista ang kasiguruhan ng kaligtasan ng mga health workers at frontliners sa kanyang nasasakupang hospital upang mailigtas sa diskriminasyon at posibleng kapahamakan sa bayan ng Mariveles nang dahil sa usaping ito.

Sa kanyang pagtatapos, sinabi ng doktora na, “Sinisiguro po natin na safe ang iba pang mga pasyente natin, ang mga staff at personnel natin sa health institution na ito at lalong lalo na ang mga kababayan natin sa labas ng hospital. Kami po ay lubos na nag-iingat. Kumpleto po ang ating PPEs para sa ating mga frontliners. Walang dapat ikabahala ang lahat.” | SHIRLEY PIZARRO

Sending
User Review
0 (0 votes)
scroll to top