Anti-Smoking and Tobacco Control Committee, itinatag

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Upang maging epektibo at maabot ng pamahalaang panlalawigan ang adhikain nitong 100% smoke-free environment sa buong kapitolyo, iniutos ni Bataan Gov. Albert S. Garcia ang pagtatag ng Provincial Capitol Anti-Smoking and Tobacco Control Committee na binubuo ng 18 empleyado ng kapitolyo mula sa iba’t ibang departamento.

Sa kanyang ipinalabas na Executive Order 117 series of 2014, sinabi ni Gov. Garcia na kailangan ang pagbuo ng naturang komite para sa pagkakaroon ng 100% smoke-free capitol compound at masiguro na ang mga programa at patakaran ng pamahalaan ukol sa pagbabawal ng paninigarilyo sa mga nasasakupan nitong lugar ay mahigpit na naipatutupad.

Batay sa Memorandum Circular No. 17 series of 2009 ng Civil Service Commission (CSC), mahigpit na ipinababawal ang paninigarilyo sa lahat ng government premises maliban lamang sa open space na itinalaga bilang smoking area para matiyak ang isang malusog at produktibong manggagawa.

Pamumunuan ni Arch. Manuel Lim ng Provincial Engineering Office (PEO) ang nasabing komite bilang chairman at vice chairman si Luz Enriquez ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) habang sina Rosario Morales ng Sangguniang Panlalawigan (SP) at  Julie Payawal ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) ang magsisilbing kalihim.

Kabilang naman sa mga regular na kasapi ng komite sina Nerlie Ledesma ng Management Information System-Provincial Information Office (MIS-PIO), Lamberto Lopez ng Provincial General Services Office (PGSO), Carmelita Tolentino ng Provincial Veterinary Office (PVO), Diego Resubal ng Provincial Agricultural Office (PAO), Celestina Lopez ng Provincial Budget Office (PBO), Roberto Mariano ng Provincial Environment and Natural Resources Office (ENRO), Ma. Cristina Quintero ng Provincial Employment and Services Office (PESO), Vilma Calaguas ng Provincial Accounting Office (PAO), Virgilio Nisay ng Provincial Treasurers Office (PTO), Atty. John Nicolas Fernandez ng Provincial Legal Office (PLO), Adazet Love Dela Torre ng Provincial Planning and Development Office (PPDO), Raymond Palaypay ng Provincial Tourism Office (PTO), Ramela Buensuceso ng Provincial Population Office (POPCOM), at Dr. Danilo Velasco ng Provincial Health Office (PHO).

Kasama sa magiging responsibilidad at tungkulin ng komite bukod sa pagkakaroon ng pagpupulong dalawang beses kada buwan o kung kinakailangan ay ang pagsita at paghuli sa lahat ng naninigarilyo sa loob ng capitol compound, pagtanggap at pagrebisa sa mga ulat at reklamo ng sinuman ukol sa mga paglabag sa batas, polisiya, patakaran at kautusan na nagbabawal sa paninigarilyo sa lugar na sakop ng kapitolyo.

Maaari ring humingi ng tulong ang komite sa Capitol Security and Intelligence Unit (CSIU) sa pagdakip sa mga lumalabag dito. Ibibigay naman ng komite ang pangalan ng mahuhuling kawani sa PHRMO para sa kaukulang aksyon.

Sakali namang ang mahuhuli o masisitang naninigarilyo sa capitol compound ay hindi empleyado ng kapitolyo, sila ay ire-refer sa lungsod ng Balanga na mayroon ding ipinatutupad na ordinansa laban sa paninigarilyo para sa kaukulang aksyon.

Sending
User Review
0 (0 votes)
scroll to top