DISTRICT HEALTH SYSTEM, suportado ng Bataan LGUs

Ayon kay Orion town mayor Antonio Raymundo, na sinusuportahan ng League of Municipalities of the Philippines (LMP)-Bataan chapter sa pangalan ng kanilang presidente na si Dinalupihan Mayor Gila Garcia, ang nasabing programa at hihilingin nila sa kanilang Sangguniang Bayan na bigyan sila ng ‘’authority’’ upang pumasok sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DOH para sa pagbuo ng bawat munisipalidad ng kanilang Inter-Local Health Zone (ILHZ).

Ipinaliwanag ni  Dr. Roberto Luneta, Provincial DOH Representative, na ang DHS ay unang ipinakilala ng World Health Organization (WHO) noong 1983 para gawing mahusay at epektibo ang paghahatid ng health services sa pamamagitan ng ‘’integrated health management” sa  health districts.

Subalit dahil sa walang naganap na pormal na  kasunduan sa pagitan ng LGUs at ng DOH para magkaroon ng monitoring at feedback system ukol sa implementasyon ng DHS kaya unti-unti itong ‘’namatay’’ at mahalaga na muli itong buhayin tungo sa adhikain ng health department na maabot ang Millennium Development Goals sa taong 2015.

Naapektuhan din ang DHS ng pagkaka-devolve ng health sector sa implementasyon ng Local Government Cod of 1991 o RA 7160 kung saan ay naputol ang administrative control ng health services sa pagitan ng Rural Health Unit (RHU) at ng ospital.

Binigyan-diin pa ni Dr. Luneta na mahalagang ‘’buhayin’’ at pagtibayin ang ILHS dahil kailangang manumbalik ang  pagtutulungan ng mga ospital at iba pang public health services para sa tinatawag na ‘’holistic  delivery’’  ng serbisyong pangkalusugan.

Sinabi naman ni Dr. Rosanna Buccahan, OIC ng Provincial Health Office (PHO), na bukod sa maisaayos at mapahusay ang kalidad ng serbisyo ng mga RHU at ospital at magkaroon ng ‘’universal coverage’’ ng health insurance, layunin din ng pagpapatupad ng ILHS ang epektibong ‘’referral system’’ para matukoy ang hangganan sa lebel ng diagnostic, surgical at medical service na tugma sa referral hospital at iba pang health service providers na saklaw ng ILHZ.

Kasabay nito, inanunsyo ni Dr. Buccahan na 24/7 operational na ang may 10 Basic Emergency Maternal Obstetric and Newborn Care (BeMonc) facilities na matatagpuan sa mga bayan ng Hermosa, Samal, Abucay, Balanga City, Pilar, Orion, Limay, Mariveles, Morong at Bagac.

Inaasahan namang maipapatayo rin ang BeMonc facilities sa mga bayan ng Orani at Dinalupihan sa susunod na taon bilang bahagi ng kanilang health facilities enhancement program.

Ang mga nasabing health facilities ay may isang team na pawang mga trained doctor, midwife at nurse at may sapat ding medical equipment.

ONEBATAAN portal:

Samantala, masayang ibinalita naman ni Gov. Albert Garcia na ito na ang magandang pagkakataon para ipatupad ang magagandang programa ng pamahalaan gaya ng pagbuhay sa DHS kasunod na rin ng nalalapit na paglulunsad ng provincial government sa OneBataan website o portal nito sa Disyembre 2013.

“Now is the best time to implement meaningful programs lalo na’t politically sa Bataan ay nagkakaisa ang lahat. It is very important at natutuwa ako sa kooperasyon ng bawat isa,” ani Gov. Garcia sa kanyang mensahe sa harap ng mga alkalde, bise alkalde, municipal at city health officers, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at iba pang stakeholders na dumalo sa ILHZ program na ginanap sa Crown Royale Hotel.

Sinabi ng gobernador na magandang pagkakataon din ang pagbubukas ng OneBatan portal para sa connectivity, collaboration at creativity ng bawat isa dahil bukas ang website na ito sa lahat ng LGU’s at iba pang ahensya ng pamahalaan para maiparating sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanilang mga programa at proyekto.

“Let’s take advantage of the new political climate and the technology. Gamitin natin ang OneBataan portal,” dagdag pa nito.

Idinagdag pa ni Gov. Garcia na pina-reserve na rin niya ang lahat ng domain ng mga most commonly-used social media outfit gaya ng Twitter, Facebook at Instagram para ang lahat ng official announcement, investment opportunities at mga developmental news ay mababasa rin ditto at magandang bonus pa dahil magkakaroon din ng microsite ang global company na Jobstreet para sa mga naghahanap ng trabaho.

Bukod kay Mayor Raymundo, dumalo rin sa naturang programa sina Samal town Mayor Gene Dela Fuente, Mariveles town Mayor Jessie Concepcion, Pilar town Mayor Alice Pizarro, Morong town Mayor George Estanislao, Dinalupihan Vice Mayor Renato Matawaran, Board Member Aris Gaza at mga pinuno ng tatlong District Hospitals sa Orani, Dinalupihan at Bagac.

Sending
User Review
0 (0 votes)
scroll to top