LGBT kasangga ng barangay sa programa sa basura

SAMAL, Bataan – Ayon kay Punong Barangay Glenn Velasco ng Tabing-Ilog, malaki ang naitulong at naging kasangga pa ng barangay ang mga miyembero ng LGBT (Lesbian, Gay, Bi-sexual o Transgender) sa pagpapatupad ng Solid Waste Management Program bilang masayang sektor ng kanilang barangay.

Sinabi rin ni Velasco na noong ilunsad umano nila ang “no segregation, no collection policy” ay isinama niya ang aktibong sector ng LGBT sa kanilang barangay, na kanya umanong hinikayat na tulungan ang kanilang barangay para mapanatili ang kalinisan nito, ayon pa sa kanya, agad namang pumayag ang mga ito, na may kabuuang bilang na labinglima (15) na tinawag nilang “basura warriors.”

Dagdag pa ni Velasco, sa una pa lang pagpapatupad ng kanilang programa sa basura, ay isa ang grupo ng LGBT na nagbahay-bahay para ipaliwanag sa bawat household ang paghihiwa-hiwalay ng basura gayundin ang takdang araw at oras sa paglalabas nito sa kanilang bahay para sa koleksyon. Pero higit umanong nakatulong ang grupo sa “panghuhuli” ng mga pasaway nilang mga kabarangay na hindi sumusunod sa ordinansa  ukol sa basura.

Dahil nga “gala sa gabi,” dagdag pa ni Kapitan Velasco, sila umano ang mga nakakakita ng mga nagtatapon o nagtatambak ng basura sa bawal na lugar, tapos ay kinukuhanan nila ng litrato sa pamamagitan ng cellphone at ito ay kanilang inire-repot sa barangay.

Bilang aksyon ng barangay, kanila umanong sinusulatan ang nasabing household, hinggil sa  paglabag sa Sec. 5-A ng Ordinansa kung saan, kapag mapapatunayan, sa unang paglabag, ang sumuway ay magbabayad ng P100.00 o apat (4) na oras na community service, sa ikalawang pagkakataon ay magbabayad sila ng P300.00 o walong (8) oras na community service at sa ikatlong paglabag ay magbabayad sila ng P500.00 o sasampahan na ng kasong paglabag sa Sec. 5-A na siyang batas/ordinansa hinggil sa basura, paglilinaw pa ni Kapitan Velasco.

Sending
User Review
0 (0 votes)
scroll to top