Mga bata sa Bataan, tunay na bida at mahalaga – Gov. Abet

   LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – “Dito sa Bataan, mapalad ang mga bata. Pero higit kailanman, mas mapalad ang mga batang ito dahil mayroon silang mga bayaning magulang at mga kawani, na magsasabing, “Hindi kita iiwan. Bata, ikaw ay mahalaga.”

   Ito ang sinabi kahapon ni Bataan Gov. Albert Garcia,  pinuno ng Provincial Council for the Welfare of Children (PCWC), sa kanyang State of  Children Address (SOCA)  sa ginanap na Provincial/City/Municipal Councils for the Protection of Children Summit 2014 sa Crown Royale Hotel dito sa lungsod.

   Ayon kay Garcia, sa lalawigan ng Bataan tunay na bida ang mga bata dahil hindi tumitigil sa pagtutok ang PCWC katuwang ang pinuno ng PSWDO na si Marilyn Tigas  sa mga programang pambata bukod sa kanilang maigting na kampanya sa pagsusulong ng isang child-friendly society para proteksyunan ang mga bata laban sa mga karahasan at mga pang-aabuso.

   “Sa Bataan, mithiin natin na itaas ang human development index ng bawat bata. Nangangahulugan ito ng mas mahabang buhay para sa mga bata, mas kalidad na edukasyong tinatamasa, at mas maayos na sahod pagdating ng araw,”  ani pa ng gobernador na binanggit din ang vision ng provincial government na “By 2020, Bataan province will be the preferred location of Eco-Industrial Investments leading to the highest human development index in the Philippines.”

   Anya, kasabay ng patuloy na pag-arangkada ng ekonomiya ng lalawigan dahil sa pagdami ng mga eco-industrial investment ay kasama sa pag-unlad na ito ang mga bata para sila ay mabigyan ng mas maayos at masayang tahanan.

   Samantala, tumatanggap naman ng kauna-unahang Ka-Bataan Award ang bayan ng Mariveles sa pangunguna ni Mayor Jessie Concepcion dahil sa kanilang husay sa pagpapatupad ng mga programang pambata. Tinanghal din ang nasabing bayan sa pagiging Hall of Famer bilang Child-Friendly Municipality.

   Tinanggap naman ni Samal town Mayor Gene Malibiran kasama ang mga miyembro ng MCPC ang parangal bilang first place sa Most Functional Local Council for the Protection of Children, sinundan ito ng Pilar bilang 2nd place na tinanggap naman ni Mayor Alice Pizarro ang parangal at ng Bagac town sa ikatlong pwesto para sa mahusay na implementasyon ng mga programa para sa kapakanan at proteksyon ng mga bata.    

   Binigyan din ng pagkilala sa nasabing okasyon ang mga PCWC member-agencies, honorary members at permanent representatives ng bawat tanggapan na kinabibilangan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Provincial Planning and Development Office (PPDO), Provincial Health Office (PHO), Provincial Budget Office (PBO), Provincial Employment Services Office (PESO), Provincial Treasurer’s Office (PTO), Philippine National Police (PNP), 24th IB ng Philippine Army (PA), Provincial Legal Office, Management Information Service Office (MISO) Provincial Information Office (PIO), Philippine Information Agency (PIA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) regional office.

 

Sending
User Review
0 (0 votes)
scroll to top