Mga biktima ng sunog, nagpasalamat sa pabahay mula sa pamahalaan

Sa pangunguna ni Orion Mayor Tony Pep Raymundo pinasalamatan ng mga biktima ng sunog sa Sitio Depensa, Capunitan noong isang taon sina Bataan Governor Albert Garcia at 2nd District Congressman Joet Garcia sa kanilang walang sawang pagtulong.

Sinabi ni Mayor Raymundo sa katatapos na groundbreaking ceremony kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Gob. Abet noong Sabado, na anomang araw mula ngayon ay pasisimulan nang itayo ang 2,280 bahay sa Barangay Daang Pare.
Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag ni Gob. Abet na sa tulong nina G. Julius Enciso ng HLURB, G. Gabriel Bobier, Presidential Management Staff, Arch. Henry Mayuga at iba pang ahensya ng pamahalaan, ang itatayong 1Bataan Village na umaabot sa 11 ektarya ang kabuuang sukat ng lupa, ay naiiba ang disenyo dahil malalawak ang mga daan, may parke, may paaralan mula kinder hanggang senior high school, may ligtas na pagdadaungan ng mga bangka, may sea wall na proteksyon kung magkaroon man ng storm surge, at maglalagay ng CCTV para makita ang buong kapaligiran lalo na pag may bagyo para sa kanilang kaligtasan.
Magbibigay din ng mga pagsasanay ang TESDA para sa kanilang alternatibong hanapbuhay kung nais umano ng iba na magtrabaho sa Freeport Area of Bataan (FAB), maging sa Hermosa Industrial Economic Zone.
Sina G. Boy Angeles , Gng. Celera Sismoan at Gng. Maria Cruz ay ilan lamang sa mga biktima ng sunog na magiging benepisyaryo ng nasabing pabahay na walang pagsidlan ang tuwa at pasasalamat sa proyektong ito ng pamahalaan, na noong una ay itinuring nilang isa lamang pangako ng pulitiko; ngunit ngayon ito ay isa nang katotohanan.
Lahat sila ay nagsasabing mapapanatag na sila dahil nakasisiguro na sila sa pagkakaroon ng sariling tahanan na maayos at nasa ligtas na lugar at may alternatibo pang kabuhayan.

ZENAIDA SORIANO at JONIE CAPALARAN

Sending
User Review
0 (0 votes)
scroll to top