Ugaliing kumain ng gulay

PILAR, Bataan – Hinimok ng mga kasapi ng Nature’s Keepers Association (NKA) ang lahat na ugaliing kumain ng mga gulay na hindi ginagamitan ng ano mang kemikal para mapanatiling malusog ang ating pangangatawan.

Ayon kay Reynaldo dela Rosa, chairman ng NKA, sila ay patuloy na nagtatanim ng iba’t ibang uri ng gulay sa kanilang lugar sa Sityo Aquino ng bayang ito.

Sinabi naman ni Ruth Roque, isa sa mga opisyal ng samahan, na maraming protina at bitamina tulad ng Vit. A, B, C ang makukuha sa pagkain ng gulay gaya ng bunga at dahon ng malunggay at mabeberdeng gulay tulad ng talbos ng kamote, talbos ng kangkong, talbos ng sitaw maging ang bulaklak ng kalabasa.

Karamihan sa mga tanim sa kanilang gulayan ay talong, kamatis, okra, sitaw, bataw, patani at iba, at upang palaging malusog ang mga tanim at magbigay ng magandang bunga gumagamit sila ng vermicompost. Ipinakita ni Roque ang paggawa ng nasabing pataba na ginagamitan lamang ng mga bulate at dumi ng bulate.

Hindi lamang gulayan ang pinagkakakitaan ng NKA, mayroon din silang alagang mga native na baboy na nagiging uso na ring kainin ng mga Pilipino. Ang laman ng baboy na native kahit anong luto ay mas malinamnam kaysa sa mga puting baboy na inaalagaan sa mga farm.
Dagdag pa ni Roque, sa kasalukuyan ang NKA ay may pondo na halos aabot na sa halagang P20,000 at ito ay galing sa benta ng gulay at hayop.

Sending
User Review
0 (0 votes)
scroll to top