LUNGSOD ng PASIG – Nakamit na ng Bataan Risers ang unang pwesto sa Northen Division ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) matapos talunin ang Cebu City Sharks sa iskor na 76 – 69 nitong sabado, ika- 22 ng Setyembre, sa Ynares Sports Arena sa nasabing lungsod.
Pero hindi naging madali ang laban ng Risers sa pagkamit nila ng unang pwesto.
Sa unang quarter pa lang ay pinaramdam na ng Cebu City Sharks ang kanilang mainit na shooting at depensa sa pangunguna ng kanilang star player na si Patrick Cabahug. Mula sa una hanggang ikalawang quarter ay lamang ang Cebu City. Ngunit dahil sa determinasyon ng Risers na makuha ang kanilang ika-walong sunod na panalo, pagdating ng ikatlong quarter ay pinaramdam na nila sa Cebu City ang kanilang matinding opensiba at lumamang na sila sa iskor na 51 – 46. Best Player ng naturang laro ay si Byron Villarias na may 10 points, 11 rebounds, at 2 assists.
Ang susunod na laban ng Bataan Risers ay gaganapin sa ika-3 ng Oktubre, sa ganap na ika- 7:00 ng gabi, sa Valenzuela Astrodome, Valenzuela City kung saan ang makakatunggali ay ang Pampanga Lanterns.