Pamaskong dekorasyon na gawa sa recycled materials

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Paskung-pasko na sa Balanga Elementary School kung pagbabatayan ang iba’t-ibang dekorasyon sa pasilyo at harap ng bawat gusali ng pampublikong paaralan sa lungsod na ito ng Bataan.

Ayon kay Gng. Jennifer de Guzman, punong-guro, ang mga dekorasyon ay gawa mula sa used tires, plastic bottles, CDs, kutsara at tinidor na plastic at marami pang ibang recycled materials.

 

“Hangga’t maaari, gusto naming maisaisip ng mga bata na ang recycled materials ay nakapagpapaganda rin ng ating kapaligiran at nakatutulong para maiwasan ang global warming,” sabi pa ng punong-guro.

 

Masayang binisita ng Assistant Principal na si Miss Macaria Austria kasama ang mga gurong sina Rose Dasig at Nora Pantig ang malaking school compound. Sila man ay namangha sa pagiging malikhain ng mga bata, magulang at guro.

 

Ipinagmalaki ni Mrs. Dasig ang mga dekorasyon sa loob ng kanyang silid-aralan habang masaya namang bumabati ang mga bata. Tuwang-tuwa ang mga gurong sandaling lumabas sa pasilyo at ipinakita ang mga Pamaskong palamuti at nagpa-bebe wave pa.

 

May tila malalaking bubuyog sa isang pasilyo na ang sabi ng gurong si Adora Sarili ay gawa raw sa mga botelyang plastic ng mineral water at pinaglumaang laruang bola ng mga bata. May mga palamuti ring gawa sa sako, balat ng mais at kugon.

 

Sinabi ng gurong si Leonida Cruz na ang mga parol nila ay gawa sa recycled bilao na pinaglagyan ng pancit at kakanin at mga kutsarang pinulot ng mga bata. “Nagtulungan ang mga bata, magulang at mga guro upang mabuo ang magagandang Christmas decoration na ito,” sabi ni Cruz.