Dumalaw kamakailan si Australian Ambassador Marc Innes-Brown sa Subic Bay Freeport upang pagtibayin ang ugnayan ng Australia at Pilipinas, lalo na sa kalakalan at pamumuhunan sa rehiyon ng Southeast Asia. Kasama niya si First Secretary for Economic Paul McEachern sa naturang pagbisita noong Oktubre 3, 2025.
Mainit na sinalubong ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño ang mga kinatawan ng Australia, kung saan tinalakay ang mga oportunidad sa pamumuhunan at ang kahalagahan ng Freeport bilang sentrong pang-ekonomiya at pang-logistik. Binanggit ni Brown na kinikilala ng Australia ang Pilipinas bilang maaasahang kaagapay sa seguridad at ekonomiya, at patunay nito ang matatag na ugnayan ng dalawang bansa.
Ibinahagi rin ng pamahalaang Australiano na layon nilang itaguyod ang outbound investments ng kanilang mga negosyo sa rehiyon, habang patuloy ding pinapalakas ang pagpasok ng dayuhang pondo sa kanilang bansa. Ayon kay SBMA Deputy Administrator for Business and Investment Renato Lee III, mayroong 23 Australian companies sa Freeport na may kabuuang pamumuhunang USD11.6 milyon at nagbibigay ng trabaho sa mahigit 540 manggagawa.
Kabilang sa mga pangunahing kumpanyang Australiano na nasa Subic ay ang STG Global Corp., isang steel fabrication company na may USD3.5 milyon na investment; Platinum Skies Aviation, Inc., na may USD1.4 milyon; at Dunbrae Subic, Inc., na may USD860,000 investment. Kasabay nito, iminungkahi rin ni Lee ang pagkakaroon ng Sister Port Agreement sa Australia upang higit pang mapaigting ang koneksyon ng Subic sa malalaking daungan gaya ng Melbourne, Newcastle, at Botany.