Umabot na sa labingpito (17) ang mga naitatag na vaccination sites sa ating probinsya para sa mga magpapabakuna kontra COVID-19. Bawat bayan ay mayroon nang vaccination site kung saan, maaaring magpabakuna ang mga kabilang sa priority group A1 hanggang A3.
Ang mga senior citizens, medical at non-medical front liners na kabilang sa Priority Group A1 at A2, ay maaaring makipag-ugnayan sa mga Rural Health Units (RHU) at Barangay Health Centers sa kanilang barangay.
Samantalang ang mga mamamayan naman na kabilang sa Priority Group A3 na may controlled comorbidities ay maaaring mag-register sa https://vax.bataan.gov.ph/a3/.
Dahil dito, hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga mamamayan para makapagpabakuna.
Ayon sa pinakahuling tala ng PHO, umabot na sa 1, 308 ang bilang ng mga kasalukuyang positibo sa COVID-19 kung kaya’t 9, 689 na ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa ating probinsya.
Samantalang 47, 857 naman ang bilang ng mga mamamayan na nabakunahan na kontra COVID-19, mula noong ika-8 ng Marso ng kasalukuyang taon.
Patuloy naman ang pagdating ng mga bakuna mula sa Department of Health (DoH) bilang tugon sa layon ng ating pamahalaang panlalawigan na mabilis na pagbabakuna sa mga mamamayan upang makamit ang herd immunity.