LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Handa ang pamahalaang panlalawigan na pangalagaan ang ating mga kababayan kung magkakaroon man ng kalamidad o pagbaha dulot ng bagyo. Ganito ang naging pahayag ni Governor Garcia sa press conference na ginanap sa Bulwagan ng Bayan kahapon, Lunes.
“Naandito na ang ating 1Bataan Command Center na 100% na tutugunan sa tamang oras ang mga posibleng mangyaring kalamidad o sakuna sa buong lalawigan, dahil naka tap na sila sa mga barangay, munisipyo, sa opisina ng mga pulisya at sa lahat ng NGOs. Mayroon tayong emergency number na ipinamahagi sa ating mga kababayan upang yung mga humihingi ng saklolo ay mabilis na marerespondehan ng ating mga tauhan dahil 24 hours itong magbibigay ng serbisyo” pahayag pa ng Punong Lalawigan.
Idinagdag pa ni Governor Garcia na “kung sakali mang may mga lugar tayong binaha at kailangan ng ating mga kababayan na sila ay ilikas sa mataas na lugar, nakahanda ang lahat ng ating mga equipment tulad ng mga truck at ambulansiya na nakaantabay sa ating Command Center sa Orani.
Kung sakali na mayroon tayong mga kababayan na nasukol ng tubig baha lalo na iyung mga nasa kabukiran at mababang lugar, na gustong magpasagip ay bihasang bihasa dito ang ating mga Barangay, Municipal at Provincial Rescue Teams dahil sa pinaghandaan at pinag-aralan na ito ng ating pamahalaan, dagdag pa ng Gobernador.
Kaugnay nito nanawagan din ang ating Gobernador sa ating mga kababayan na maging mapagmatyag sa tuwing magkakaroon ng sunud-sunod na pagbuhos ng ulan at kung sa tingin nila ay aabutin sila ng tubig baha ay makabubuting lumikas na sila sa matataas na lugar.