BALANGA CITY, Bataan – Tatlong kompanya na nagpo-proseso ng mga lamang-dagat ang kasalukuyang tinutulungan at nais ma “level up” ng Department of Science and Technology (DOST) sa lalawigan ng Bataan.
Ayon kay DOST Provincial Director Rosalie Ona, tatlong kompanya sa ngayon ang kanilang palalaguin, ito ang Amanda’s Aqua Marine Products, ABR ni Alex Rueda at ang Linda and Nap sa Bgy. Pto. Rivas, Lungsod ng Balanga.
“In terms of technology requirements ang tatlong pangalang nabanggit pa lamang ang tanging direktang nabigyan na namin ng tulong, nais namin silang mag level up na mula sa kategoyang micro enterprise to small enterprise or up to medium category at maging globally competitive” sabi ni Ona.
Sinabi pa ni Ona na base sa talaan ng City Agriculture Office, may humigit kumulang na 40 ang fish processors sa Balanga City subalit wala pa umanong organisasyon o grupo sa hanay nila. “Nais namin silang ma-organize para magkaroon ng isang common service facility na kung saan ang iba pang fish processors ay makagamit din para sa kanilang production. Sa ganitong paraan ng pagsasama-sama, magkakaroon sila ng moderno at magandang equipment sa tulong ng DOST” dagdag pa ni Ona.
Ipinahayag din ni Ona na nitong pagbubukas ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) dito sa Pilipinas na dinaluhan ng mga pinuno ng ibat ibang bansa, isa sa mga paksang tinalakay ay ang tulungan at suportahan ang mga Small and Medium Enterprises (SMEs) para makasabay ang mga ito sa mga malalaking negosyante sa bansa.
“Ganito ang ginagawa natin sa ngayon, kailangang maging competitive ang ating mga produkto sa Bataan tulad ng mga ipinagmamalaki nating tinapa, tuyo, bagoong, boneless bangus at iba pa. Magandang makita ng ibang bansa ang mataas na kalidad ng ating mga produkto sa pamamagitan ng makabagong proseso” dagdag na pahayag pa ng direktora.
Tinuruan din sila ng DOST ng tamang handling, processing at storage ng kanilang mga produkto para mapahaba ang shelf life at makarating sa ibang bansa ang tinapa at tuyo galing Bataan.
“Nauna lamang nag canning, at nag vacuum pack ang Bataan School of Fisheries sa Orion pero itong Amandas Aquamarine Product, ABR, at Linda and Nap, ay mayroon na kaming ibinigay sa kanila ng Vacuum Sealing Machine na kung saan ang isa ay inilagay sa loob ng pamilihan ng Lungsod”.pagtatapos ni Ona.