LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Namumutiktik ang isang pampublikong paaralan dito ng mga simple ngunit makahulugang mga palamuting pamasko na pawang gawa sa recycled materials at umano’y resulta ng labor of love ng mga bata, magulang at guro.
Ayon kay Norma Rico, punong guro ng Our Lady of Lourdes Elementary School sa barangay Munting Batangas, gumamit sila ng recycled materials mula sa mga botelyang plastic ng mineral water, lumang CD at mga lumang sisidlan sa bahay na dinala ng mga bata.
“Ito’y resulta ng pagtutulungan ng mga bata, guro at supportive na mga magulang sa Munting Batangas,” sabi ng punong guro. “Ang tema ng aming selebrasyon ay pagmamahalan, pagtutulungan at pagbibigayan ng lahat ng magulang, bata at guro,” dagdag ni Rico.
Pagpasok sa paaralan ay agad mapapansin ang isang maliit na belen at may katamtamang taas na Christmas tree. Ang belen ay yari sa dayami samantalang ang Christmas tree ay napapalibutan ng mga disenyong mula sa mga botelya ng mineral water.
Ang bawat pasilyo, bahagi ng bakod ng paaralan ay puno ng iba’t-ibang kulay at hugis ng parol at iba pang Christmas décor. Pati ang mga silid-aralan at maging ilang punong-kahoy ay may nagsabit ding palamuting pamasko. Ipinakita pa ng punong guro ang tila mansanas na pang-dekorasyon na umano’y ginawa mula sa pinagtaklob na ilalim na bahagi ng plastic bottles.