Memorial park sa Pilar, tapos na

PILAR, Bataan – Halos magdadalawang taon na ang nakalilipas mula nang ipasok ang panukala na maglagay ng isang Memorial Park sa Barangay Bagumbayan, at ngayon ito ay halos isandaang porsiento nang tapos.

Naratipikahan ng konseho noong 2012 ang naturang proyekto at nagkasundo ang mga opisyal ng Pamahalaang Bayan ng Pilar na pondohan ito ng halagang mahigit sa P20 milyon na itatayo sa 2 ektaryang lupain sa nasabing lugar.

“Ang Memorial Park sa Pilar ay kahalintulad din ng mga pribadong sementeryo tulad ng sa Balanga, sa Orion, sa Limay o saan mang lugar na sumisingil ng mahal, pero dito sa Pilar mura at abot kaya ng aming mga kababayan” giit ni Mayor Pizaro.

Sinabi ni Pilar Municipal Engr. Hazel de Guzman na nadagdagan pa ng P430,000 ang pondo para ditto upang makumpleto ang mga equipment na gagamitin sa loob ng Memorial Shrine na ngayon ay matatapos na umano.

Dagdag pa ng Mayora na bagama’t nasa 3rd Class Municipality ang kanilang bayan ay kaya umano nilang bayaran sa isang Bangko ang kanilang utang. Ito ay huhugutin sa kanilang Internal Revenue Allotment o IRA.

Ang bayan ng Pilar ay may 19 na barangay at may mahigit sa 40,000 populasyon. Sa ebalwasyon ng mga opisyal ng Pilar maaari nang magamit ng mga taga PIlar ang kanilang Memorial Shrine sa pagtatapos ng taong 2016.