Ibinahagi ni: Rowena Carreon – Teacher II, P. Roman National High School, Pilar, Bataan
Mula sa araw na nag-apply ang isang tao na gustong maging guro, ay pinakikiramdaman na siya ng punong-guro na nag-iinterview sa kanya, at hindi natatapos ang pagmamasid na ito sa oras ng interview. Hangga’t patuloy na nasa ilalim ng pamamahala ng isang punong-guro ang mga guro ay patuloy niyang inoobserbahan ang kanyang mga tauhan, sapagkat isa ito sa kanyang mga gawain bilang tagapamanihala ng isang paaralan.
Ang isang guro na kinakakakitaan ng marubdob na hangarin sa kanyang pagtuturo ay higit na kagigiliwan ng punong-guro. Ang “passion” sa pagtuturo ay isang katangian na nanggagaling sa puso ng isang guro. Hindi siya nangangamba na patuloy na sumubok ng iba’t-ibang dulog, pamamaraan o istratehiya sa pagtuturo upang higit na maunawaan ng mga mag-aaral ang kanyang mga itinuturo.
Tila wala siyang kapaguran na patuloy na makapagbigay ng mga bagong aralin sa kanyang mga tinuturuan. Tinatanggap niya ang mga dumarating na pagbabago at tinitiyak niya na matuto siya ng mga naiiba sa araw-araw na pagtuturo.
Tunay na nakapagbibigay ng inspirasyon sa mga mag-aaral ang ganitong uri ng guro. Sa ganito, ay patuloy na nagkakaroon ng kaalaman at inspirasyon ang mga mag-aaral.
Dapat tandaan ng mga guro na ang mga bata ay naghahangad din ng mga aralin na binubuo ng iba’t-ibang gawain na nakapagpapasaya sa kanila. Nais ng mga punong-guro na ang kanyang nasasakupang mga guro ay patuloy na itinataas ang antas nila sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga mag-aaral na may kasiyahan sa mga itinuturo ng guro sa kanila.
Ginagamit ng isang guro ang kanyang puso at damdamin sa kanyang pagtuturo, at hindi lamang palagi ang kanyang katalinuhan at kaalamang teknikal. Ang sabi ni Stephen Covey, may akda ng aklat na “The 7 Habits of Highly Effective People,.” Ang anumang uri ng gawain ay nangangailangan lamang ng 20 porsyentong kaalaman at 80 porsyento naman ng pakikipagkapuwa o pakikisalamuha sa mga kamanggagawa.
Ang kakayahang makipag-ugnayan sa mga mag-aaral ay ang isang katangian na kailangang taglayin ng isang guro. Hindi lamang dapat makapanghikayat ng pagkatuto ang isang guro, ang mas mahalaga ay nakapagbibigay siya ng inspirasyon sa mga tinuturuan. Nakikipag-ugnayan siya sa puso’t damdamin ng isang bata at hindi lamang basta’t itinuturo ang aralin para sa araw na iyon.
Ang isa pang katangian na dapat taglayin ng isang guro ay ang katangian o kakayahang makapagpatawa (sense of humor) upang mapagaan ang aralin. Ang katangiang ito ay nagbabadya din ng pagpapakita ng tiwala sa sarili at ng kakayahang makisalamuha sa mga mag-aaral. Ang isang mabuting guro ay hindi nangangamba na magbigay ng mga sitwasyon na may katatawanan na kaugnay ng kanilang aralin sa hangaring lalo pang maunawaan ng mga mag-aaral ng kanilang aralin.
Mga guro, hindi naman siguro mahirap sundin ang mga nabanggit upang kagiliwan ka ng iyong punong-guro, higit na matuto ang mga mag-aaral, at higit sa lahat ang kasiyahan at inspirasyon sa pagtuturo.
Reference: The Seven Habits of Highly Effective People, Steven Covey.