Morong, handang handa na sa pagdagsa ng mga turista

MORONG, Bataan – Tiniyak ng mga opisyal ng Pamahalaang Bayan ng Morong na ang kanilang mga naggagandahang beach resorts ay handa nang tumanggap ng mga turista lalo pa ngayong darating ang ika-75 taong paggunita sa Araw ng Kagitingan na may temang “Parangal sa mga Beterano, Tungo sa Bayan na Nararapat sa mga Pilipino, mga Pilipino na Nararapat sa Bayan” sa iks-9 ng Abril 9.

Ayon kay Dra. Cynthia Linao Estanislao, mayor ng Morong, karamihan sa mga beach resorts na nasasakupan ng kanyang bayan ay malinis at mahigpit na binabantayan ng otoridad at mga Barangay Tanod upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga turista, kung kaya’t pwedeng pwede na umano silang magpalipas ng gabi doon.

Sinabi naman ni Mariane de Leon, Municipal Tourism Officer ng nasabing bayan, sa 58 beach resorts, kung saan 20 dito ay mga bagong gawa, ang mga ito ay pawang may mga permit at may mahigit sa 80 lifeguard, bukod pa sa mga pulis at tanod.

Ipinahayag pa ni Ms. De Leon na magkatuwang na bumuo ang Municipal Tourism Office at may-ari ng mga beach resorts ng grupo ng mga rescuers na kinabibilangan ng mga tricycle driver, bantay dagat, life guard, at samahan ng mga bangkero para matiyak ang kaligtasan ng mga turistang naliligo at nagpipiknik.

Idinagdag pa ni de Leon na mas lalo pang hihigpitan ni Mayor Estanislao ang pag isyu ng mga permit sa mga bagong resorts na ilalagay sa kanilang bayan.

Ayon sa talaan ng Municipal Tourism Office, noong taong 2016 nasa mahigit 115,000 turista ang pumunta sa kanilang mga resorts kung saan 13 ang sinawing palad na nalunod, kaya siniguro ng Mayora na hindi na mauulit ang ganitong pangyayari.

Ang bayan ng Bagac at Morong ay siya ngayong puntirya ng mga turista at investors dahil nasa Bagac ang isang International Tourist Spot sa Pilipinas ang Las Casas Filipinas de Acuzar habang nasa Morong naman ang mga magagandang beach resorts.