LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Kabahagi pa rin sa ika-75 taong paggunita sa Araw ng Kagitingan, ay ang parangal sa mga beterano na ginanap noong ika-8 ng Abril, sa harap ng Kapitolyo, lungsod na ito.
Pinasimulan ang nasabing pagdiriwang sa pagpasok ng mga panauhin at beterano, kasunod ang parada ng kabayanihan, pagpasok ng mga banda ng tatlong sangay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, at ng Pambansang Watawat.
Pinangunahan ng mga banda ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang pagkanta ng Pambansang Awit at sinundan naman ito ng panalangin.
Ang pambungad na pananalita ay ginampanan ni Kgg. Geraldine B. Roman, Kinatawan ng Unang Distrito ng Lalawigan ng Bataan. Nagbigay din ng mensahe si Kgg. Albert S. Garcia na Punong Lalawigan ng Lalawigan ng Bataan.
Humanga ang lahat sa ipinakitang galing ng mga banda ng tatlong sangay (Army, Navy, at Air Force) ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, at sinundan ito ng makulay at makasaysayang Parada ng Kagitingan. Labing-isang karosa mula sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan na nagsasalarawan ng kagitingan ng ating mga kawal noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang lumahok sa paligsahan kung saan nagwagi ang munisipyo ng Samal, na sinundan ng Mariveles at Bagac sa ikalawa at ikatlong pwesto.
Ang punong bayan ng Mariveles, Kgg. Ace Jelo C. Concepcion, ang naatasang magpakilala sa panauhing pandangal na si Atty. Gilbert C. Teodoro Jr., dating Kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa. Hindi naitago ni Teodoro ang kanyang paghanga sa mga kaunlarang malinaw na nakikita at napakikinabangan na hindi lamang ng mga taga-Bataan, sa pamumuno ng mga Garcia. Naibahagi din niya na lubos ang kanyang kasiyahan na ang kanyang kauna-unahang public appearance, matapos ang eleksyon noong 2013, ay dito nangyari sa Bataan, na masaya naming tinanggap ng mga tao.
Bago matapos ang palatuntunan ay binigyan ng plake ng pagkilala ang mga beterano na bingyang tugon naman ni Florentino Platero sa kanyang maiksing mensahe.