Ayon kay Dr. Remigio Sacdalan, Jr., BPSU Director for Arts and Cultural Affairs, ang paggunita sa Araw ng kagitingan sa Miyerkules at ang kagitingan Awards sa gabi ng Abril 8 ay parehong sumisimbolo ng kagitingan.
“Ang Abril 9 ay pagpapahalaga sa mga beteranong nakipaglaban sa mga mananakop na Hapon samantalang ang Kagitingan Awards ay pagpapahalaga sa mga media artists na nagpapalaganap ng mga ‘values worth emulating’,” sabi ni Sacdalan.
Ang walong programa ng Kapuso network na nakatanggap ng natatanging parangal ay ang Powerhouse, Reel Time, AHA, Reporter’s Notebook, I-Witness, Eat Bulaga, Kapuso Mo Jessica Soho at Pepito Manaloto.
Ang mula naman sa ABS-CBN ay ang Matang-Lawin at Maalaala Mo Kaya.
“Ipinamalas ng programang ito ang isang mukha ng kagitingan na dapat pamarisan ng lahat ng kabataang mag-aaral kaya iginagawad dito ng BPSU ang pagkilala bilang isa sa 10 Pinakamagiting na Programang Pantelebisyon sa taong 2014,” sabi ng bawat presentor.
May tampok na episode o segment ng bawat programa ang pinagpilian ng mga hurado na binubuo ng mahigit 150 lider-estudyante sa mga campuses sa mga bayan ng Dinalupihan, Orani, Abucay at Bagac at Balanga City.
“Dapat serbisyong totoo, walang pinapanigan, balanse ang mga tinatalakay. Dapat mga isyu ng bayan na hindi napapansin ang talakayin ,” sabi ni Ian Simbulan upang mapabilang sa pinakamagiting na programa ng telebisyon.
Si Simbulan ay executive producer ng Reporter’s Notebook na sa dalawang sunod na taon ay nakatanggap ng parangal sa BPSU.
“Paglalantad ng totoong buhay ng totoong tao at paghahatid ng tunay na kuwento kaya marahil napili bilang magiting ang Reel Time sa pangalawang pagkakataon,” sabi ni Eleazar del Rosario, executive producer.
Tatlong taon pa lamang ang Reel Time.
“Overwhelmed ako. Lalo kaming magsisikap na pagandahin ang aming mga palabas,” sabi ni Mosang ng Pepito Manaloto.
Nagpahatid naman ng pasasalamat sina Drew Arellano para sa programang AHA, Macky Pulido at Jiggy Manicad para sa Reporter’s Notebook, Kara David sa Powerhouse, Jessica Soho sa Kapuso Mo Jessica Soho, Vic Sotto sa Eat Bulaga, Kara David at Howie Severino sa I-Witness.