Sinabi ni Garcia na ang pagtatalaga kay Salonga ay alinsunod na rin sa Administrative Order ng National Commission on Indigenous Peoples (NICP) at malinaw din itong nakasaad sa Section 396 ng Local Government Code para sa pagkakaroon ng mandatory representative o ex-officio member ng mga katutubo sa konseho ng barangay, munisipyo o ng probinsya.
“Iba rin yung mayroon silang (Aeta) representative sa Sangguniang Panlalawigan para magsilbing mata at tenga ng mga indigenous people at makatuwang din sila sa mga programa ng ating probinsya,” ani Garcia.
Idinagdag pa nito na malaking tulong din ang mga tribong Aeta para magamit ang kanilang expertise sa mahigpit na kampanya ng Provincial Government para masugpo ang illegal logging activities sa lalawigan.
Nabatid na isa si Salonga sa kinilala ni Department of Interior and Local Government (DILG) Region 3 Director Florida Dijan bilang isang miyembro ng Aeta community sa Bataan matapos na pagtibayin ng NICP ang pagtatalaga rito bilang ex-officio member na magsisilbing kinatawan ng mga katutubo sa probinsya.
Bukod sa bayan ng Limay, mayroon na ding mga itinalagang ex-officio members sa Sangguniang Barangay ng mga bayan ng Bagac, Morong, Dinalupihan at Mariveles na kinilala ng DILG.
Napag-alaman din na mayroong 18 tribal communities sa Bataan kung saan 2,000 rito ay Aeta families o 8,000 katutubo na pawang kasapi ng Panlalawigang Asosasyon ng mga Ayta sa Bataan (PANABAT).