Kahit walang PDAF: Libreng matrikula sa kolehiyo, tuloy pa rin

BALANGA CITY, Bataan —-  Tiniyak ni Bataan 2nd District Representative Enrique “Tet” Garcia na hindi na kailangan pang mag-alala ang mga kabataan sa lalawigan na gustong  makapag-aral at makapagtapos ng kolehiyo dahil tuloy pa rin ang libreng matrikula sa mga ito at inaasahang madaragdagan pa ang kanilang tinatanggap na allowance.

Ayon kay  Garcia, hindi magiging sagabal sa kanilang scholarship program na  nagsimula pa noong 2005 ang pagkakadeklara ng Korte Suprema  na “unconstitutional” ang kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF)  o pork barrel, dahil hindi siya tumitigil sa pag-iisip ng mga alternatibo para mapondohan ang pag-aaral sa kolehiyo ng may mahigit sa 12,000 iskolars ng Bataan.

“Our purpose is to make them (scholars) better than us and that is through education. Lahat ng kabataan ay makapag-aaral at makapagtatapos ng kolehiyo without having to worry about their matriculation,”  ani pa ng kongresista.

Anya, isang memorandum of agreement ang kanyang lalagdaan sa pagitan ng Development Bank of the Philippines (DBP) para masuportahan ang Iskolar ng Bataan program.

Masaya pang ibinalita ni Cong. Garcia na hindi lamang tuluy-tuloy ang ‘free matriculation’ ng mga college scholars kundi tataas pa ito mula sa P3,000 per semester o P6,000 kada taon para sa mga nakatira sa 10 bayan sa lalawigan ng hanggang sa P10,000 kada taon na inaasahang magsisimula ngayong taon. 

Ang dating P6,000 per semester o P12,000 kada taon para sa mga Iskolar ng Balanga ay inaasahan ding tataas  gayundin sa mga taga-Morong na tumatanggap ng P5,000 per semester kasama na ang kanilang transportation allowance ay madaragdagan din.

Binanggit pa ng kongresista na bukod sa mga college scholars, gusto rin niyang matiyak na magiging malusog at masigla ang mga batang mag-aaral sa kanilang pagpasok sa eskwelahan kaya naman popondohan din ang kanilang pagkain para sila ay laging ‘’busog’’ at masisiguro na nababantayan ang kanilang kalusugan.

Samantala, patuloy rin ang Gurong Iskolar program ng provincial government kung saan may 800 titser ang kasalukuyang kumukuha ng kanilang masteral at doctorate degree habang may 650 guro na ang nakapagtapos mula nang masimulan ang nasabing programa noong 2005. 

“Importante kasi ang edukasyon at dito hindi lamang mga titser ang ating  natutulungan kundi pati na rin mga estudyante dahil nabibigyan sila ng quality education,” ani Cong. Garcia na prayoridad ang edukasyon at kalusugan kahit noong siya pa ang gobernador ng lalawigan na suportado ng kanyang mga anak na sina Bataan Gov. Albert Garcia, Balanga City Mayor Jose Enrique Garcia III at Dinalupihan Mayor Gila Garcia at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Ayon kay Ramon Cañas, scholarship coordinator, bukod sa pagkakaloob ng libreng pag-aaral para sa lahat ng titser na gustong kumuha ng masteral degree na may katumbas na P5,000 allowance at P22,000 para sa kanilang thesis writing, pwede na ring kumuha ng free doctoral degree courses ang mga guro na may master’s degree, kung saan bukod sa P7,000 per 9 units ay sagot din ng provincial government ang P25,000 para sa dissertation ng bawat guro.

Idinagdag pa nito na tuluy-tuloy pa rin ang kanilang pagtanggap ng aplikante para sa Gurong Iskolar program na bukas sa lahat ng elementary at secondary school teachers sa lalawigan kung saan ang mga ito ay libreng makakukuha ng kanilang masteral at doctoral degrees sa alinmang campus ng Bataan Peninsula State University (BPSU).