P35 milyong halaga ng gusali pasisinayaan

Ipinaliwanag ni Gomez na lahat umano ng mga estudyante sa high school na taga St. Francis l at ll gayundin ang mga taga Bacong ay ililipat sa gagawing St. Francis High School upang makatipid sa pamasahe at maging angkop ang bilang ng mga mag-aaral, na sa halip na 60-70 mag-aaral sa isang silid-aralan, magiging 30-40 na lamang.

Sa isasagawang pasinaya ng nasabing bagong gusali, ipinahayag ni Mayor Lilver na nais nitong pasalamatan ang Provincial Government sa pamumuno ni Governor Abet dahil sa pagsisikap at determinasyon nito na maipatayo ang nasabing gusali.

Idinagdag pa ng Punong Bayan na naitayo ang magandang gusaling ito, upang itaas ang antas ng kalidad ng edukasyon, magkaroon ng dagdag na kompiyansa at makayang makipagsabayan sa galing at talino ang mga batang mag-aaral sa Limay sa ibang mag-aaral.

Kaugnay nito sinabi ni Provincial Engr. Enrico Yuzon na ang pondong ipinagpagawa sa isang gusali pati na ang pagpapasemento ng pathwalk sa naturang eskwelahan ay mula sa share ng Petron.

Nauna rito dati nang kampanya nina dating Gov. Tet Garcia na ngayon ay Congressman sa Ikalawang Distrito at Gov. Albert Garcia na makapagpatayo ng mga paaralan sa lahat ng sulok ng Bataan upang hindi na magsiksikan sa silid aralan ang mga mag-aaral. Naniniwala sila na sa ganitong paraan, mas madaling mauunawaan ng mga mag-aaral ang kanilang mga aralin.