Ang makasaysayang Parangal sa mga Bayani, na may temang, “Bataan, Kadluan ng Kagitingan ay pinangunahan ni Gov. Joet Garcia kasama sina Cong Abet Garcia, BM Mylene Serrano, 113 beterano sa pangunguna ni G. Juanito Lejano at panauhing pandangal na si Dr. Carminda R. Arevalo, Executive Director, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas.
Sa kanyang pagbati, binigyang-diin ni Cong Abet Garcia na ang mga pahina ng kasaysayan ay nakikita sa mga libro. Dito sa Bataan ito ay makikita sa mga ginagawang daan, sa mga death march markers, sa Dambana ng Kagitingan at sa ating The Bunker.
Sa mensahe ni Gov. Joet Garcia, sinabi niya na itinuro sa atin ng mga beterano na ang tunay na katapangan ay hindi nakikita sa gitna ng labanan kundi sa pag-ibig sa kapwa at sa bayang sinilangan. Dagdag pa niya na mabilis ang pag-unlad ng lalawigan at ito ay dahil sa bunga ng ipinaglabang kalayaan ng mga beterano. Malinaw umano ang mensahe ng mga beterano, “Ang kalayaan ay hindi lamang regalong natanggap, ito ay karapatang patuloy na dapat bantayan at pagyamanin.
Ayon naman sa Panauhing Pandangal na si Dr. Carminda Arevalo, Executive Director ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, ang pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan ay buhay na saksi ng ating kasaysayan at ang lalawigan ng Bataan ay katuwang sa pag-alala sa ating kasaysayan, at nawa ay kumuha tayo ng inspirasyon sa ipinamalas na katapangan ng ating mga Beterano.
Samantala, pinuri ng beteranong si G. Juanito Lejano ang pagpaparangal sa mga beterano na ang naging puhunan ay ang kanilang lakas, talino at buhay na inialay sa bayan.
Naroon din sa nasabing okasyon ang buong pwersa ng Sangguniang Panlalawigan, Gng. Vicky Garcia, Gng. Isabel Garcia at panel of judges sa ginanap na, “Isang Paligsahang Teatro ng Sayaw at Musika” mula sa 11 bayan at isang lungsod sa buong lalawigan.