Mga kabataan, magsasama-sama sa Kampo Balagtas

ORION, Bataan – Isang pagsasama-sama ng mga kabataan mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ang magaganap sa Bayang ito, na tatawaging “Kampo Balagtas”, bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Araw ni Balagtas sa pamumuno ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na sila ding naglatag ng programa para sa dalawang araw na selebrasyon ng ika – 227 kaarawan ni Francisco “Balagtas” Baltazar. Ang pagkakampo ng mga kabataan ay gaganapin sa ika 30-31 ng Marso, sa malawak na bakuran ng Orion Elementary School.

Bago pormal na buksan ang Kampo Balagtas, pasisinayaan muna sa umaga ng Marso 30 ang Hardin ni Balagtas sa Barangay Wawa. Ang hardin ay magsisilbi bilang isang pangkultural na parke at katatampukan ng mga katutubong punongkahoy at halaman na may kaugnayan sa naging buhay ng dakilang manunulat habang naninirahan sa Orion, na noon ay kilala bilang Udyong.

Itatampok din sa hardin ang bagong rebulto ni Balagtas na likha ng bantog na eskultor na si Julie Lluch at inaasahang maka-aakit ng maraming turista sa bayan at magpapakilalang muli sa kadakilaan ng “Sisne ng Panginay” lalo na sa mga kabataan.

Sa Kampo Balagtas, magkakaroon ang mga kabataan ng pagkakataong makilala ang buhay ng bayani sa pamamagitan ng mga gawaing itinakda ng KWF sa pakikisangkot ng Boy Scouts of the Philippines – Bataan Council, sa pamamagitan ng Rover Scouts. Ang mga gawain sa kampo ay pasisimulan matapos ang susing pananalita ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, Chairman ng Senate Committee on Youth. Mayroon ding mga pangkulturang pagtatanghal na handog ng Provincial Tourism Council at ng Tanggapan ng Punong Lalawigan ng Bataan.

Inaasahan ding darating sa pagtitipong ito si Atty. Francis N. Tolentino, Chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), gayundin ang mga lider ng lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Gob. Albert Raymond S. Garcia, Mayor Antonio L. Raymundo, Jr., at maging ang mga taga-pangulo ng KWF at NCCA na sina Kgg. Virgilio S. Almario, NA at Kgg. Felipe M. de Leon, Jr.

Sa taong ito, ang tema ng selebrasyon ay “Si Balagtas at ang Kabataan” bilang paghamon sa mga bagong kabataan na patuloy na alalahanin ang buhay at pamana ng dakilang manunulat na nagturing sa Bayan ng Orion bilang kanyang tunay na pinagmulan.

Ang pagkakatayo ng Hardin ni Balagtas ay bunga ng pagtutulungan ng National Commission on Culture and the Arts, Lalawigan ng Bataan at Bayan ng Orion.