Kuwentong Bataan – Ikatlong Bahagi

Ang Karugtong…

Ang giyera

Malagim na kasaysayan ang naging bunga ng ginawang pananakop ng mga Hapon sa Bataan (1941-1945). Malaking pinsala sa buhay ng tao at ari-arian ang idinulot ng mga eroplano ng mga kalaban na naging karaniwan na lamang tanawin sa himpapawid ng Orani sa kainitan ng mga labanan sa lalawigan.

Madalas na naging takbuhan ng mga sibilyan ang aplaya. Doon ay napapagkanlungan nila ang makakapal na puno ng aroma, palapat at bakawan. Ang ilang matatapang ay nagpaiwan sa kani-kanilang bahay kung saan sila tinakasan ng buhay matapos mabagsakan ng mga bomba ng kaaway.

Hindi masasabing asintado sa pagbabagsak ng bomba ang mga pilotong Hapones. Katunayan, may isang bomba na ang dapat sana’y patamaan ay ang palengke ng Orani. Ngunit sumablay ito at bumagsak sa isang bakanteng lote. Nagkataon naman na may ilangsibilyan na doon nagtago at sila ang nasabugan ng naturang bomba. Isang mag-asawa at isa nilang anak at sampung katao pa ang namatay dito.

Isa pang bomba na dapat sana’y pabagsakin sa simbahan o kaya’y sa munisipyo ang lumampas at sumabog sa isang dugout na pinagtaguan ng buong pamilya Santa Clara. Wala isa mang nakaligtas sa mga biktima.

Pati ang mga tahanan nina Amado Mayoralgo at Maximino Rodriguez ay aksidente ring tinamaan ng bomba. Isang Jose Consunji ang nabagsakan ng bomba at agad na nalagutan ng hininga. Pati ang nililitson niyang baboy ay nagkagutay-gutay dahil sa lakas ng pagsabog na naganap.

Ang palengke sa bayan at ang kalapit nitong munisipyo ay napinsala din nang bahagya. Sa kabuuan, mahigit sa 60 kabahayan ang nasunog sa kabayanan. Umabot naman sa 70 katao ang namatay matapos nasabugan ng mga bomba. Sila ay sama-samang inilibing sa isang malaking hukay. Sa kabutihang palad, wala isa mang sundalong Pilipino o Amerikano ang naging biktima ng bombahan.

Dahil sa paraan ng pakikidigma ng mga Hapon ay napilitan ang mga mamamayan na magsilikas patungo sa bundok at aplaya bago pa man nakapasok sa Orani ang mga kalaban. Nagsimula rin ang mga nakawan sa mga tindahan at bahay na iniwan ng mga residente. Ang mga itinurong nagnakaw ay mga taga-Orani din.

 

Japanese Occupation

Sinakop ng mga Hapon ang Orani magmula noong 1942 hanggang 1945. Sa simula, pagpasok pa lamang nila sa kabayanan ay nagkanya-kanya na sila ng pagpili sa mga bahay na kanilang gagawing tirahan. Kung kailangan nilang magluto, binabaklas lang nila ang dinding na nasabing bahay at iyon ang kanilang ginagamit na panggatong. Kahit ang mga aparador at muwebles ng bahay ay kanilang ginawang pamparikit.

Ang gusali ng Home Economics sa Orani Elementary School at ang tahanan ni Gng. Herminia Oliveros ay ginawang garison at punong-tanggapan ng mga Hapon. Ang mga kalalakihang taga-Orani na pinaghihinalaang espiya ng USAFFE ay kanilang dinakip at pinahirapan. Sa kalaunan, sa garison din dinala at pinahirapan ang mga kalalakihang pinaghinalaang mga miyembro ng samahang gerilya sa Orani.

Noong Enero 5, 1945, nagkagulo ang mga taga-Orani nang magbagsakan mula sa langit ang mga papelyito na nag-uutos sa mamamayan na pansamantalang lumikas at lumayo sa mga kampamento ng mga Hapon. Sumunod ang mga tao ngunit sa bawat dulo ng landas na kanilang tinungo palayo sa kabayanan ay naroon ang mga sundalong Hapones  na pumigil sa nagaganap na paglikas. At ang masama pa, ang mga pagkain na dala ng mga tao ay kanilang kinuha.

Natigil lamang ang gayong karahasan nang bigla na lamang naglitawan sa papawirin ang di-mabilang na mga eroplanong Amerikano na halos ay sabay-sabay na nagpaputok ng kanilang machinegun at nagbagsak ng mga bomba sa mga garison ng mga Hapon.

Sa kasamaang-palad, may mga sibilyan na nadamay sa labanan. Sa Baryo Calero, isang  Juliana Tolentino at ang siyam-na-buwang anak nito, gayundin si Adelaida Bautista, ay namatay matapos masabugan ng bombang inihulog ng mga Amerikano. Isang Gng. Natiola pa ang namatay samantalang ang anak niyang babae ay naputol ang kamay. Maraming tahanan sa Orani ang nawasak dahil sa naganap na pambobomba.

Nagpatuloy pa rin ang kaparehong karahasan kahit noong maitaboy na ang mga Hapon mula sa Orani. Maraming Japanese straggler ang nagpatuloy sa pakikipaglaban at nagawa pa nilang molestiyahin ang ilang mamamayan na nagsisimula nang bumaba mula sa kabundukan.

Sa isang pagkakataon, isang pangkat ng mga sibilyan na pababa na ng bundok ang hinarang ng mga Hapon. Agad na tinalian sa kamay ang mga ito at matapos abusuhin ang mga kababaihan ay saka isa-isang binayoneta ang mga ito. Isang Emilio dela Cruz at ang kanyang tatlong-taong gulang na anak na babae ang kabilang sa mga naging biktima ng insidente.

 

3 Manunulat

Nabuhay at nanirahan sa Orani ang tatlong mahuhusay na manunulat. Ang una ay si Jose Batungbakal na siyang lumikha ng mga sumusunod na aklat: The Life of Cayetano S. Arelllano; Proverbs and Maxims, 101 Selected Filipino Proverbs and Maxims, Moral Training of the Filipino People at Our Fighters of Freedom

Si Nieves Baens del Rosario naman ang awtor ng mga sumusunod na libro: Nuestra Señora del Rosario ng Bataan, Erlinda ng Bataan, Ang Mangingisda, Busilak, Marysol, Ang Pintuang Bukas, Mga Kamay na Maliliit ang Umaakay, Alamat ng Orani at Sarili na Natin ang Daigdig.

At si Bb. Feliza Baens, isang guro na siyang may-akda ng “Ang ABAKADA ng Bataan.

 

Tapulao

Ang pangalan ng Baryo Tapulao ay hinango sa ngalan ng mga punong “tapulao” na matatagpuan sa nasabing lugar noong araw. Ito ay malalaki at matitibay na punongkahoy na unti-unting naglaho sa kabuuan ng nasabing baryo. Bukod-tanging ang mga naiwang malalaking ugat ng naturang puno na nakabaon ang siya na lamang makikita dito sa kasalukuyan. Ang baryo ay itinatag noong 1817. Ang Sitio Banukalog ay nasa loob ng hurisdiksyon ng Tapulao.

Ang mga pamilya nina Manuel Fabian, Isabelo Simbol, Raymundo Cruz, at Mariano Villaruel ang pinaniniwalaang unang nanirahan sa baryo. Ang unang tatlong pamilya ay nanggaling pa sa Sasmuan, Pampanga, samantalang ang mga Villaruel ay mestisong-Kastila.

Kabilang sa mga naging tenyente del baryo ng Tapulao ay sina: Pascual Cruz, Isabelo Simbol, Segundo Guevarra, Cornelio Cruz, Luis Villaruel, Pedro Villaruel, Jacinto Rodriguez, Mariano Torres, Custodio Simbol, Mateo Rodriguez, Prospero Mendoza, Jose Mendoza at Benito Bigueras.

Naunang naitayo sa Tapulao ang isang kapilya ng Katoliko Romano. Ang kapilya ay napinsala at tuluyan nang nasira noong labanan sa pagitan ng mga Kastila at rebeldeng Pilipino (1898).

Bago ito, maraming taga-Tapulao ang naging biktima ng karahasan ng mga Kastila. Maraming kalalakihan dito ang dinakip at piñatay. Si Isabelo Simbol ang bukod-tanging nakaligtas kahit ito ay binigti pa ng mga kaaway.

Isang Roberto Rodriguez naman ang nakatakas at nagtago sa kabundukan para magbuo ng pangkat ng mga rebelde. Kung may pagkakataon ay gumagawa sila ng pananambang sa mga Kastila. Si Apolonio Balan naman ang itinuring na pinakamatapang sa lahat ng mga maghihimagsik.

Noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ang mga taga-Tapulao ay natuto ding lumaban. Gumamit sila ng mga lantaka, busog at pana at mgabulawit(isang sibat na gawa sa tinulisang buho o kawayan na siyang pinakatatakutang sandata ng mga Amerikano).

Sa panahon ng pananakop ng mga Hapon, ang mga taga-Tapulao ay lumikas sa kabundukan, malapit sa Tama, Hermosa. Ang ilang pamilya ay nagtago sa mga palaisdaan. Maraming mamamayan ang minalas dahil sa mga kumalat na sakit at sa bala ng mga kaaway. Marami ding ari-arian ng mga tao ang nawala dahil sa panununog at pagnanakaw.

Umabot sa 400 residente ang dinakip ng mga Hapon at ikinulong sa garrison. May 250 sa kanila ang nanatili sa kulungan at patuloy na inimbestigahan at pinahirapan. May 14 na katao ang hindi na nakauwi nang buhay sa kanilang tahanan.

Pagkatapos ng giyera ay unti-unting naibalik sa dating anyo ang Tapulao. Ang kapilya ay muling naipagawa at isang apat-na-kuwartong gusaling-pampaaralan na nagkakahalaga ng limang libong piso ang naipatayo sa baryo. Katulong ang mga tao sa pagtapos sa dalawang nasabing proyekto.

Noong Enero 5, 1948, ay pinasok ng mga Huk ang Tapulao. Sinunog nila ang ilang tahanan at ilang residente din ang walang awang pinatay.

 

Talimundok

Sa gawing hilaga ng Orani ay matatagpuan ang baryong Talimundok. Gaya ng isinasaad ng pangalan, ang baryo ay matatagpuan sa isang mataas na bahagi ng Orani, na animo’y isang bundok. Dito hinango ang pangalang ng baryo. Ito aynaitatag bilang isang baryo noong 1923.

Ang mga naunang nanirahan sa Talimundok ay ang mga pamilya nina Nicanor Pinili, Juan Bugay, Alberto Sacdalan at Mariano Ventura. Ang huli ang unang nanungkulan tenyente del baryo ng Talimundok (1923-1933). Siya ay sinundan nina:  Ignacio Olalia (1933-1941);  Gabriel Ventura (1941-1943); Pedro Mercado (1943-1944); Fidel Pulangco (1944-1951) at Antonio Ventura (1951-1953).

Ang Sityo Patulo, kung saan unang nanirahan sina Nicanor Pinili at iba pang pamilya, ay malaon ang iniwan ng mga residente dahil sa kalayuan nito sa bayan. Bukod dito, madalas ding magawi doon ang mga Huk na naging kalaban ng maykapangyarihan.