“Cash for work”, malaking tulong sa mga tricycle drivers

ORANI, Bataan – Isang malaking tulong sa mga tricycle drivers ang isasagawang programa ni Mayor Bondjong Pascual ng bayan ng Orani, na “cash for work.”

Ayon kay Mayor Pascual, ang nasabing programa ay ibibigay sa mga talagang mahihirap na tricycle drivers na walang ipambabayad sa pagre-rehistro ng kanilang mga tricycle. Ang mga bibigyan ng “cash for work” ay pagtatrabahuhan naman ang kabuuang halagang ipagkakaloob sa kanila.

Dagdag pa ni Pascual, ito’y isang paraan kung saan ang beneficiary ay magkakaroon ng dignidad na pinaghihirapan niya ang nasabing tulong.

Nakatutok ngayon ang administrasyon ni Mayor Pascual sa “profiling” o pagre-rehistro ng lahat ng tricycles, sa layuning mairehistro nang legal ang lahat ng mga ito, gayundin malaman ang kabuuang bilang ng mga namamasada nito sa buong bayan ng Orani.

Sa kasalukuyan, mahigit sa tatlong libo (3,000) ang mga naitalang tricycle, mahigit 600 dito ay hindi umano rehistrado at ng padalhan umano ng notice para magparehistro sila, mahigit tatlong daan (300) ang nagsasabing wala silang ibabayad sa pagpaparehistro ng kanilang tricycle. Upang matulungan sila, nakita ni Mayor Pascual na magiging epektibo ang programang cash for work, dahil ito ay para naman din sa kanila, imbes na iaabot na lang ang halaga.