BAGAC, Bataan – Tatlumpu’t tatlong (33) Close Circuit Television (CCTV) ang nakakabit mula sa Barangay Poblacion hanggang sa munisipyo upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa bayang ito.
Ayon kay Bagac Mayor Ramil del Rosario, mula nang magkabit sila ng mga CCTV nabawasan ang krimen at nakawan sa kanilang lugar maging ang ilang sigalot ay mabilis nilang nareresolba.
Hinalimbawa ni Bagac Administrator Nick Ancheta ang pagsusulat ng isang lalaki sa makinis at bagong pintura nilang plaza at pagbukas ng kotse na nakaparada din sa naturang lugar. Dahil nahagip ang mga yon ng CCTV ay nakilala nila agad ang suspect.
“Kaya naman mas dumarami sa ngayon ang nagpapalipas ng ilang araw sa aming mga magagandang beach resort lalong lalo na sa Las Casas Filipinas de Acuzar” paliwanag ni Ancheta
“Bukod sa tahimik at malinis ang bayan ng Bagac ay halos araw-araw na may pumapasyal na mga turista na galing pa mula sa iba’t ibang lugar. Ang pinakamaganda pa, may kausap na kaming mga investor na gustong magtayo ng kanilang negosyo sa Bagac” dagdag pa ni Mayor del Rosario.
Nasa bayan ng Bagac ang Las Casas Filipinas de Acuzar, Montemar, Anvaya Cove at marami pang mga magagandang beaches na siyang naiibigang puntahan ng mga investors at turista.
“Ang katahimikan ng isang bayan ay may kaakibat na kalakalan, negosyo, paglago ng turismo na siyang magpapaunlad ng pamayanan” pahayag pa ni Ancheta.