Comelec checkpoints sa Bataan patuloy, walang oras

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Patuloy ang mga Comelec checkpoints sa Bataan nang walang pinipiling oras, tulad na lamang ng pulisya ng lungsod na ito na naglatag ng checkpoint bago magtakip-silim nitong Huwebes sa junction ng MacArthur Highway at 4-lane road.

May araw na may Comelec checkpoint sa Balanga City at sa ibang bayan sa pagitan ng hatinggabi at madaling-araw o kaya simula alas-8:30 ng gabi hanggang hatinggabi.

Hindi sabay-sabay ang mga checkpoints lalo na sa magkakalapit na bayan. May mga pagkakataon na matapos sa isang bayan ay doon naman magsisimula ang sa ibang bayan upang marahil ay magkaroon ng “element of surprise”.

Hindi lamang violation sa election gun ban ang tinututukan ng pulisya kundi maging sa pagsusuri sa mga papeles ng motorsiklo, lisensiya ng mga riders at kung may crash helmet ba ang rider at kaangkas.

Pinangunahan ni P/Senior Insp. Marlo Dangarang, Balanga City deputy police chief, ang Comelec checkpoint at kapansin-pansin na ngumingiti pa ito matapos masuring tama ang mga papeles ng rider.

Bukod sa naka-uniporme ang mga pulis at magagalang sa pakikipag-usap sa mga motorista, nakalantad ang kanilang police car alinsunod sa mga alituntunin sa paglalatag ng Comelec checkpoints.

Sa magkabilang panig ng kalsada ay may signboard ng checkpoint na may pangalan ng City Election Officer at Chief of Police. Wala pang report na may nakumpiskang baril sa alinmang checkpoint sa Bataan.

Nagsimula noong ika-10 ng Enero ang mga Comelec checkpoints upang magpatupad ng firearms ban para sa halalan sa darating na Mayo at magtatapos sa ika-8 ng Hunyo, 2016.