Ang NAT, ayon sa DepEd, ay isang standardized test na ginawa upang alamin ang achievement level, ang lakas at ang kahinaan ng mga mag-aaral sa grades 3, 6 at 4th year high school o grade 10, sa five key curricular areas na kinabibilangan ng English, Filipino, Math, Science at Araling Panlipunan.
Sinabi ni Garcia, na prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon kaya naman malaking premium ang ibinibigay dito ng probinsya partikular na sa Special Education Fund (SEF) na naging-daan para manguna o mag-top 1 ang Bataan sa paglalaan ng pondo per public school student sa taong 2013 sa buong bansa, base na rin sa ulat na ipinalabas ng Bureau of Local Government Finance ng Department of Finance (DOF).
“Dapat maipakita ng DepEd at school heads na number 1 rin sila sa kanilang performance hindi lamang sa buong Region 3 kungdi sa buong bansa at klarong masusukat natin ito sa resulta ng NAT ng kanilang mag-aaral,” ani pa ng gobernador sa isang panayam.
Anya, gaya ng ipinatutupad na Performance Governance System (PGS) ng provincial government sa mga kawani ng kapitolyo, sinisimulan na rin nilang sukatin ang rating sa NAT ng bawat eskwelahan sa elementarya at high school.
“Para mahikayat natin na maging mahusay ang kanilang performance ay bibigyan natin sila ng insentibo,” dagdag pa nito.
Hindi umano mahirap gawin ang pagkakaloob ng insentibo dahil nakikita naman sa naging ulat ng DOF na malaki ang investment sa Bataan dahil dito nanggagaling ang buwis na nakokolekta sa mga taxpayers at ang ilan sa bahagi ng buwis na ito ay napupunta sa school board sa pamamagitan ng SEF. Nariyan pa ang tax collection efficiency ng probinsya at ang pagbibigay prayoridad o importansya nito sa edukasyon.
“Nakita naman natin na sa ulat ng DOF na No. 1 ang Bataan sa ginagastos sa bawat public school student compared to other provinces in the country. Kahit hindi tayo, pinakamayaman na probinsiya, hindi tayo pinakamalaking probinsya and yet, tayo ang pinakamalaki ang ginagastos per public school student at hindi pa kasama rito ang ating Gurong Iskolar at Iskolar ng Bataan at iba pang suporta na ibinibigay natin sa education,” diin pa ng gobernador.
Binigyan-diin ni Garcia na hindi magiging number 1 ang Bataan at hindi rin magiging matagumpay ang mga programa ng probinsya kung hindi nagkakaisa ang executive at legislative branch kasama na ang mga local government units (LGUs) at national government agencies na katuwang ng kanyang administrasyon sa implementasyon ng mga programa at proyekto para sa kapakanan at kabutihan ng bawat Bataeño.
“So, it’s team effort talaga! Basta nagkakaisa talaga, ang impact nito, ang future ng mga bata ay magiging maganda dahil sa ibinibigay nating suporta sa edukasyon,” pagtatapos pa ng gobernador.