LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Ilulunsad na ngayong araw ang bagong programa ng Peninsula Electric Cooperative (PENELCO) na “Easy Pay”. Ayon kay Renie Santos, manager ng PENELCO Balanga Center, ang programang Easy Pay ay una muna nilang susubukan dito sa Lungsod ng Balanga at kung magtatagumpay saka pa lamang gagawin sa labing isang bayan sa lalawigan.
“Base sa bilang ng consumers natin dito sa Balanga City ay umaabot tayo sa 18,000 hanggang sa 19,000. Kung wala kang pagkakautang sa PENELCO at lagi kang on time sa pagbabayad ay covered ka ng Easy Pay” paliwanag ni Santos
Sinabi din ni Santos na ilalagay ang Easy Pay sa isa sa mga 7/11 convenience stores sa lungsod na ito. Maglalagay ang Easy Pay ng isang computer at taong hahawak nito sa loob ng 7/11 convenience store na naka monitor sa tanggapan ng PENELCO upang makasiguro na ang lahat ng magbabayad dito ay walang pagkakautang. Kapag natanggap na ng consumer ang kanyang billing statement ay pwede na siyang magbayad sa nasabing establisimiyento na bitbit lang ang billing statement.
Sa kasalukuyan ay may ilan na lamang inaayos sa kasunduan sa pagitan ng kompanyang Easy Pay at PENELCO at kung plantsado na ang lahat ay uumpisahan na ang programang ito ngayong ika-20 ng Nobyembre.
“Malaking kaluwugan ito sa oras ng mga consumers dahil hindi na sila pipila pa sa tanggapan ng PENELCO upang magbayad. Halimbawang naisipan nilang bumili sa 7/11 at dala naman nila ang kanilang billing statement, pwede na silang magbayad dito”, anipa ni Santos
Kapag naging maganda ang resulta ng nasabing programa, ito ay dadalhin na ang Easy Pay sa 11 bayan ng lalawigan. Doon sa mga bayan na wala pang nakatayong 7/11 ay maaaring ilagay ito sa isang department store na madalas puntahan ng mga consumers.