GURO O EMPLEYADO, PARA SA ATIN ITO

Ibinahagi ni Coney M. Dela Peña – Administrative Aide VI, Schools Division Office of Bataan,

Department of Education

 

May kasabihan sa ating bansa na, ”ang maingay na tubig sa ilog ay karaniwang mababaw, at ang tahimik na ilog naman ay siyang malalim.”

Ang kasabihang ito ay karaniwang ikinakabit sa isang tao na madaldal ngunit walang gaanong kaalaman, at sa isang tao na tahimik, na nagsasalita lamang kung hinihingi ng pagkakataon.

 

Ang kilalang kasabihang ito ay mahalagang mapag-isipan natin, lalo’t higit sa mga nagtatrabaho sa ibat-ibang organisasyon. Maaaring hindi lahat ng kaalaman ay taglay ng isang tao, ngunit dapat ay may mga paraan siya upang pag-aralan ito.

 

Isang obserbasyon na aking nakikita ay maraming manggagawa ang may maraming mahalagang kaalaman o karunungan, kung baga sa ilog ay maraming tao ay malalim, ganoon din naman na maraming mababaw. Siyempre, naoobserbahan din natin ang magagaling na magtrabaho, ang sabi nga ay mga taong “who concentrate on the task”  Sila ang mga taong natatapos ang trabaho sa tamang oras at kung may mali man, ang mga ito ay bibihira lamang, at sila ay gumagawa ng mga paraan upang maituwid ito.

 

Ang mabuting empleyado ay hindi sinasayang ang oras sa pakikipagkuwentuhan, sa halip siya ay may mga mabubuting balak, gumagawa, umaaksiyon. Ginagamit niya sa mabuti ang mga dumadating na pagkakataon at siya ay umaaksiyon sa tamang oras. Ito ang ibig sabihin ng mga taong malalim, na ang kabaligtaran ay mga taong mababaw.  Ginagamit niya ang bawat oras sa mabubuting bagay.

 

Sinasabi naman ni Lavater, na sa pagsunod sa moral na kaasalan, dapat na manguna ang Diyos, at sumusunod naman ang pag respeto sa oras.  Ang sabi nga, ang oras ay ginto, kaya di dapat sayangin. Ang lumipas na oras ay di na muling maibabalik.  Kaya kung tayo ay may gagawin, ay gawin mo na ito ayon sa iyong plano.  Ang mahalaga ay ang iyong kakayahan na magawa ang dapat mong gawin. Ang lahat nang ito ay hindi maikakaila sa paningin ng mga pinuno na sa malaot-madali ay magsisilbing daan ng iyong pagtaas sa puwesto.

 

Hindi kailangan sa isang empleyado ang maging masalita, ang sabi nga, ganito ang mga taong mababaw. Mas mabuti kung magaling ka sa komunikasyon o pakikipagtalastasan kaysa magaling ka lang sa daldalan, hindi ito bahagi ng mabuting pakikipag-ugnayan.  Sa halip aksaya lamang ito ng panahon na dapat sanang maiukol sa trabaho.

 

Mas mabuti na ang nagtatrabaho kaysa sa dumadaldal nang walang kabuluhan.  Ang mahalaga ay nag-umpisa ka sa tamang oras, sabi nga ni O.A. Battista, “Nakatitiyak ka na makakamit mo ang isang mabuting pahinga, kung nag-uumpisa ka sa tamang oras”.

 

Sanggunian:

Wilma C.Tapalla. “ Talkers Are No Good Doers.’ Woman’s Home Companion 26(27):39