BAGAC, Bataan – Pinangunahan ng mga opisyal ng Department of Trade and Industry DTI, Pamahalaang Panlalawigan at mga opisyal ng Pamahalaang Bayan ng Bagac ang pagpapasinaya sa mga makinarya na aabot sa halagang P2.5 milyon sa Barangay Banawang sa bayang ito.
Ang mga nasabing makinarya ay may kakayahang gumawa ng mga silya, plant box, laundry basket, baluster, panel board, arm rest, lamp shade, decorative flowers at iba pa, gamit ang kawayan.
Ito ay programa ng DTI sa ilalim ng pamahahala ni Provincial Director Nellin Cabahug na may temang Shared Service Facility (SSF) for Bamboo Processing Project na ang mabibiyayaan ay ang Mamamayang Sagip Kalikasan (MASAGKA) na may higit sa 100 kasapi.
Ayon kay Cabahug, kailangan lamang ng mga namumuno ng Masagka na mahalin at ingatan ang mga gamit para tumagal at magamit pa ng mga susunod pang lahi.
Ipinahayag naman ni Atty. Raul Mamac, hepe ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), akmang akma sa kanilang programa sa pagpapalago ng kawayan industry sa Bataan ang pagkakaroon ng Bamboo Processing Plant sa Bagac. Ipinahayag pa ni Mamac na sa kasalukuyan mayroon nang higit sa 500 ektarya taniman ng kawayan na nakatala sa DENR.
Nauna rito ang grupo ng Masagka sa pamumuno ni Primitivo Bantugan ay nakapagtanim na ng 1,000 puno ng kawayan sa 1.2 ektaryang taniman at 80 porsiento nito ang nabuhay. Nabigyan din sila ng pondo na nagkakahalaga ng P2 milyon mula kina Governor Albert Garcia at 2nd District Congressman Tet Garcia na inilaan naman sa pagpapatayo ng gusali at bakod nito kung saan nakalagak ang nasabing mga makinarya.
Dito rin nakasentro ang proyektong Puno ng Buhay ng Petron Refinery at ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Congressman Tet Garcia at Governor Albert Garcia kung saan nilagdaan ang Memorandun of Agreement kamakailan sa Bulwagan ng Bayan.
Ipinahayag din ni Primitivo Bantugan, na sila ay masaya sa mga kaganapan at kanilang pakaiingatan at mamahalin ang mga nasabing kagamaitan dahil dugo at pawis umano ang kanilang naging puhunan upang ito ay magkaroon ng katuparan. Malaki din ang pasasalamat nila kina Governor at Congresman Garcia.
Samantala, nagpahayag din si Bagac Administrator Nick Ancheta ng suporta at tulong sa nasabing proyekto mula sa Pamahalaang Bayan ng Bagac.