May kasabihan sa Pilipino na, “Ang Magtanim ay Hindi Biro”. Kung iisipin natin, tunay ngang mahirap ang maging magbubukid at ang mag-alaga ng hayop na pwedeng maging negosyo. Sa umpisa, dadaan ka talaga sa pagsubok. Nariyang mapepeste ang iyong pananim o di kaya ay magkakasakit ang iyong mga alaga. Ang pagpasok sa ganitong uri ng gawain ay nangangailangan ng lakas ng loob at ng isang matinding paghahanda. Kailangan ding gusto mo talaga ang ginagawa mo at may dedikasyon ka sa gawain. Idagdag pa natin ang pagiging mapagsaliksik upang mas mapaganda at mapaayos ang ating ginagawa. Isa pa, kapag nag-umpisa ka nang kumita, hindi ibig sabihin nito ay patuloy ito. Sabi nga, dapat pag-ingatan ang naumpisahan at matutong lumingon sa pinanggalingan.
Ang lathalaing ito ay magpapakita ng mga nabanggit sa taas. Ang nag-umpisa sa maliit na bagay ay nagawang palakihin ang kanyang naumpisahan at patuloy pang mapapalaki dahil na din sa sipag at tiyaga na kanyang ipinamalas. Tunay na pinatunayan ng taong ito na “kapag may tiyaga, may nilaga”.
“A pleasant possession is useless without your comrade”. – Seneca
Si G. Alex Diaz, 53 taong gulang, tubong Tapulao, Orani, Bataan, anak nina Jaime Diaz, isang retiradong sundalo, at Salome Diaz, isang simpleng may bahay, ika-anim sa siyam na magkakapatid, ay meron na talagang kaalaman at kabatiran sa paghahayupan at pagsasaka kahit nung kabataan pa niya.
Dahil sa pagsasaka, na unang ginawang libangan ng kanyang sundalong ama, si G. Alex Diaz ay napagtapos ng kanyang mga magulang ng kursong Bachelor of Science in Nautical Engineering Major in Marine Transportation noong 1982 na nagging daan upang siya ay maging Seaman noong 1989.
Naging bahagi ng buhay kabataan niya ang pagtulong sa pamilya. Naranasan niyang mag-alaga ng baboy at maging operator sa Rice Mill na pag-aari ng pamilya. Ang sakahan na kanilang kinamulatan ay itinatag ng kanyang sundalong ama na nagsilbi na ding pantulong sa kabuhayan nila.
Taong 1987, nakilala niya ang kanyang maybahay na si Diane Diaz, isang nurse. Biniyayaan sila ng tatlong supling na sa kasalukuyan ay magsisipagtapos na din sa kani-kanilang pag-aaral. Isa ito sa bunga ng sipag at tiyaga ni G. Diaz sa kanyang pag-iitikan. Ngunit paano nga ba napunta si G. Diaz sa pag-iitikan ganoong naging Seaman naman siya na pwedeng magbigay sa kanya at kaniyang pamilya ng magandang buhay?
“Find a job that you love and you will never work for the rest of your life”. – Anonymous
Azolla: Ang Umpisa ng Lahat
Makaraan ang isang taon ng pagiging seaman, napagdesisyunan niyang tumigil. Napagtanto niya na hindi talaga ito ang gusto niya at makapagpapasaya sa kanya. May mga bagay na hinahanap siya na sa tingin niya ay doon siya magtatagumpay. Iniwan ang karangyaan ng malaking kita ng pagiging seaman upang tuluyang hanapin ang sarili niya. Kinausap niya ang kaniyang asawa at napagdesisyunan na sumubok sa larangan ng paghahayupan. Sinabi niya sa kanyang asawa na kapag hindi nagtagumpay ang plano niya sa loob ng limang taon, babalik na lamang siya sa pagiging seaman o di kaya ay mangingibang bansa upang doon makipagsapalaran.
“Wala naman talagang madaling trabaho. Nagiging madali lamang ito kapag masaya ka sa napili mong gawain. Samahan mo pa ng sipag at tiyaga, paniguradong magaan lamang sa’yo ang bawat gawain”. Di sinasadyang nagkaroon ng maramihang bilang ng pagkamatay ng alagang manok ang kanilang kapit-bahay. Panahon noon ng tag-init at naisip niyang dala ito ng heat stroke. Napansin niyang kabilang ang azolla sa pakain sa mga manok at ang mga nakakain nito ay nagpakita ng magandang reaksyon. Doon din n’ya napag-alaman na marami nang livestock raisers ang gumagamit ng azolla bilang pakain sa hayop. Napag-isipan niyang magparami nito at magbenta. Naging mapagsaliksik siya tungkol sa halamang nabanggit at nagsiyasat siya nang husto tungkol dito. Nabatid niyang mayaman ang halamang ito sa protina at iba’t ibang enzymes. Dagdag pa niya, madali lamang ang magparami ng azolla. Kailangan mo lang ng binhi na isasabog sa tubigan at doon mag-uumpisa ang pagtubo nito. Kailangan mo lang maging matiyaga sa pagbabantay nito upang maiwasan ang pagkamatay nito at pagkabulok. Ngunit minsan ay hindi naiiwasang mabulok ang azolla kaya sinubukan niya itong gawing pataba. At ang resulta, nalaman niyang mainam din itong pataba na makakatulong sa pagpapalago ng halaman. Dahil na din sa nasabing halaman, nakaipon siya ng saktong kita na sa kalaunan ay nagamit niyang puhunan.
“Sa lahat ng aspeto ng buhay, lagi nating tatandaan na dapat ay marunong tayong sumubok. Dahil doon, makakadiskubre ka ng iba’t-ibang paraan na pwede mong mapakinabangan sa hinaharap”.Dahil sa azolla, ang naipon niyang salapi mula sa pagbebenta nito ay nagamit niyang pambili ng kanyang mga itik. Bilang panimula, nag-umpisa siya sa 100 piraso ng itik. Ang suhestiyon ay nagmula sa kaibigan niyang kasapi din sa kooperatibang kinaaaniban niya. Taong 1990 siya nag-umpisa sa larangang ito.
“Ang pinakamabisang rekado sa paghahayupan ay ang dedikasyon mo sa ginagawa mo at yung talagang gusto mo. Hindi naman kasi uunlad yan kung wala kang gagawin”. Para sa kanya, madali at maalwan ang pag-aalaga ng itik. Naging mas maganda ang kombinasyon ng azolla at itik. Sa pamamagitan ng azolla, nagiging matipid siya sa pagbili ng mga feeds at nagiging malusog ang kanyang mga alaga. Tipid na, mabisa pa. Naiiwasan din niya ang langaw dahil hindi gaanong maamoy ang pag-aalaga ng itik. Nabanggit din niya, “wala naman talagang madali sa mundo, lahat mahirap, nasasaiyo lamang ang ikadadali ng buhay. Kapag tamad at wala kang hilig sa ginagawa mo, mahirap talagang gawin ang isang bagay. Parang propesyon ang pag-aalaga ng hayop, kailangan ng dedikasyon upang magtagumpay ka sa larangan mo”.
Ang pabahay ng kanyang itik ay sadyang nakadisenyo upang malayang nakagagalaw ang mga ito. Meron ding ipa o rice hull ang kulungan na nagsisilbing beddings upang maging ipunan ng dumi ng itik. Ang dumi at ang ipa ay napapakinabangan niya bilang pataba. Gayundin naman, may free flow ng tubig malapit sa kulungan ng mga itik, dahilan upang mapanatili ang kalinisan ng kanyang alaga at ang kulungan nito.
“Follow excellence and success will chase you”. – Anonymous
Sa kadahilanang gusto pa niyang mas mapagbuti ang pag-aalaga ng itik, minabuti niyang dumalo sa mga seminars, trainings at workshop ng Provincial Agriculture Office at Veterinary Office at iba pang mga kaugnay na sangay nito upang lalong mapagyaman ang kanyang kaalaman at makabatid ng makabagong teknolohiya at pamamaraan sa pag-aalaga ng nasabing hayop. Ika nga niya, “dapat uhaw ka sa kaalaman. Magbasa ka sa mga oras na wala kang ginagawa para madagdagan ang nalalaman mo”.
“Ang pag-aalaga ng hayop ay parang pag-aaral. Maraming pwedeng maging bago, kaya tungkulin mong i-update kung anong nalalaman mo”. Sa ngayon ang 100 itik ay umabot na sa 3,000 at umaani din ng humigit kumulang 1,000 itlog. Ang mga itlog na kanyang inaani ay ginagawa niyang balut. Noong una, dinadala niya ang mga itlog sa mga kaibigan niya sa Hermosa, Balanga at sa mismong bayan niya, sa Orani. Pero dahil mataas ang produksyon ng itlog, minabuti niyang bumili ng incubator at silawan (isang makinarya upang masuri ang loob ng itlog) para makapagtayo ng balutan na gagawin niyang pandagdag kita. Taong 1991, naitayo ang unang katas ng kanyang pag-iitik, ang kanyang balutan.Sa ngayon ay tuloy pa din ang kanyang balutan at nakikini-kinita niya na magpapatuloy pa din siya sa paggawa nito dahil mataas ang demand sa Bataan at karatig probinsya — ang Pampanga.
Dahil suportado siya ng kanyang maybahay, katuwang niya ang kanyang asawa sa paggawa ng mga talaan ng datos sa pag-iitik at iba pang kabuhayan. Si Gng. Diane na din ang nag-aayos ng ledger upang makita nila kung saan pa nila dapat pagbutihan ang kanilang naumpisahan. “Dapat marunong ka ding humawak ng kabuhayan. Kailangan para kang serkero sa larangang ito. Papaikutin mo ang papasok sayong kaban at sisiguraduhing walang babagsak habang pinapaikot mo ito”.
“Man can only find meaning in life, short and perilous as it is. Only through devoting himself to society”. – Einstein
Isa ding matulunging tao at aktibong nakikibahagi sa kanilang komunidad. Ibinabahagi ang kanyang mga kaalaman sa kapwa niya naghahayupan o di kaya ay sa mga taong nagnanais mag-umpisa sa ganitong kalakaran o kabuhayan. Minsan ay naiimbitahan din siya sa mga pagpupulong sa kanilang kooperatiba upang doon ay magbahagi ng kanyang kaalaman.
Nakatutuwang isipin na dahil sa sipag, tiyaga, pagiging curious at risk taker, nagawa niya at ng kanyang asawa na paunlarin ang kanilang kabuhayan. Nag-umpisa sa maliit na bilang at ngayon ay naparami niya ito. At nagawa niyang paitlugin ang kanyang itikan sa pagkakaroon ng balutan. Idagdag pa natin dito ang naipundar niyang sasakyan, bahay at tricycle.
Bunga din ng kanyang pagsusumikap at kapatid ng kanyang balutan, nagawa niyang makuha ang 1 ektaryang lupain na dati ay hiniram niya lamang. Dumaan ang araw at nanganak pa ang kanyang pag-iitik. Nagkaroon siya ng manggahan, palayan at mga alagang tilapia na kasalukuyan din niyang pinayayabong.
Sa loob ng halos dalawang dekada, nagawa niyang mapayabong ang kanyang kabuhayan. Taong 2007 hanggang 2008, naipundar niya ang mga nabanggit. Nagawa din niyang maipundar ang nagsisilbing irrigator ng kanyang bukid.
“No one can make you inferior without your consent”. – Theodore Roosevelt
Naranasan din niyang mabatikos ng mga tao nung nag-uumpisa pa lamang siya. Marami ang nagsasabi na bakit ipinagpalit niya ang pagiging seaman sa itik at bukid. Pero hindi natinag ang ating bida, hindi siya nakinig sa sinasabi ng iba bagkus ay ipinakita niyang mali sila. “Wala namang masama kung nag-umpisa ka sa maliit o sa kakaunti. Ang masama ay kung hindi mo mapapalago ang naumpisahan mo”.
Taong 2014, ay may bago na naman siyang natutunan at kasalukuyang nagagamit niya sa kanyang pananim bilang pataba. Ito ang tinatawag na MUKASI. Isa itong fungi o mikrobyo na nagsisilbing pataba sa mga halaman. Ang kagandahan ay tipid siya sa paggawa nito. Ayon sa kanya meron itong mga sangkap na pwede naman itong maiba. Sa kanya, ginagamit niya ang ipa na may dumi ng itik at lupa. Lalagyan niya iyon ng EMAS, isang culture medium na siyang tutulong para makapagpatubo ng Mukasi. Masasabi niyang epektibo ang bago niyang diskubre na ito, na siya namang sinang-ayunan ko nang makita ko ang kaniyang pananim. Kaugnay nito, gumagamit siya ng mga recycled material bilang taniman.
Tunay ngang mahusay at maparaang maghahayupan si G. Alex Diaz. Dahil na din sa mahilig siyang mag-try, nalaman niyang pwedeng paghaluin ang ipa, dumi ng itik at EMAS para makabuo ng MUKASI, kaiba sa tunay na pamamaraan, ngunit magkasing bisa.
Gayundin naman, sinusubukan niya ngayon at pinag-aaralang gawin ang vermicompost. Mula sa pag-iitik, itlog ng itik at dumi ng itik, marami siyang nagawang kapaki-pakinabang sa kanyang pananim. Nakapaggawa ng balutan, at ngayon ay pataba sa lupa. Ayon sa kanya, hinding hindi siya malikalimot na lumingon sa kanyang pinanggalingan. Lagi niyang isasaalang-alang ang pagiging mapagpakumbaba at matulungin sa kapwa. Hindi siya mapapagod na magpatuloy sa kanyang naumpisahan. Dahil dito, ipinagmamalaki niyang isa siyang mag-iitik!