BALANGA CITY, Bataan — Nagwagi ang bayan ng Mariveles bilang “Most Persons with Disability-Friendly Municipality” sa kauna-unahang provincial awarding ceremony na idinaos kahapon sa Bataan People’s Center kaugnay ng pagdiriwang ng probinsya sa 36th National Disability Prevention and Rehabilitation Week na nilahukan ng may 700 katao na may kapansanan.
Nakuha naman ng Orion ang ikalawang pwesto at ikatlo ang bayan ng Pilar sa tumanggap ng nasabing parangal na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan at ng Provincial Council on Disability Affairs sa mga munisipalidad na may epektibong programa para sa mga taong may kapansanan.
Umabot naman sa 50 PWDs ang nabiyayaan ng assistive devices gaya ng wheelchair, cane quad base o tungkod, walker folding at saklay.
Sa temang “Talino at Paninindigan ng Taong May Kapansanan: Pasaporte sa Kaunlaran,” pinatunayan ng mga kalahok sa Outdoor Photography, Gat. Apolinario Mabini Quiz Bee at Lyrics writing na hindi hadlang ang kanilang kapansanan para ipamalas ang kanilang talento at husay sa mga naturang larangan kung saan ang kalahok na taga-Mariveles ang nakakuha ng 1st place na sinundan ng taga-Limay at pangatlo ang taga-Abucay.
Ang mga nagwagi sa nasabing paligsahan ay nakikipatunggali na ngayon (Hulyo 23) sa iba pang kalahok sa Gitnang Luzon para sa Regional level competition na kasalukuyang ginaganap sa Malolos City, Bulacan. Ito ay kasabay ng paggunita ng bansa sa 150th birth anniversary ng bayaning si Apolinario Mabini na tinaguriang “sublime paralytic” at utak ng rebolusyon.
Ayon kay City Administrator Rodolfo De Mesa, na nagsilbing kinatawan ni Gov. Albert Garcia para sa provincial celebration ng 36thNDPR week, na maituturing na “true trailblazers of society” ang mga person with disabilities dahil imbes na sila ay nasa kanilang bahay at magtago ay pinili nilang lumabas at ipakita sa publiko ang kanilang tibay at lakas sa kabila ng kanilang pisikal na kapansanan.
Sa kabila ng sama ng panahon na dulot ng bagyong “Henry,” naging matagumpay ang pagdiriwang ng probinsya sa tulong na rin ng iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng DOST, PIA-Bataan, PAO, DOH, PHO, Red Cross, PIO, PG ENRO, DPWH, 1st at 2nd District Engineering Office, DTI, Philippine Army, DILG, DepEd, OPA, BPSU, PNP, TESDA, Rotary Club, RTC Branch 1, LTO, PESO, DOLE, KASAMAKA CBR Foundation at PSWDO.