Mga bagong tanggapan, binasbasan!

SAMAL, Bataan – Matapos ang pagbabasbas sa mga bagong bukas na tanggapan ng Samal Police Station, Bureau of Fire Protection, Skills Enhancement Training Center, Negosyo Center at groundbreaking ng Library and Museum sa bayang ito nuong nakaraang Lunes, na pinangunahan nina Gob. Albert Garcia at dating Cong. Herminia Roman, ay inilahad naman ni Mayor Gene dela Fuente ang State of the Municipality Address (SOMA).

Ayon kay dela Fuente ilan lang ito sa mga makabuluhang proyekto na tinutukan ng lokal na pamahalaan na maagang natapos ngayong taon at may iba pang proyekto na mayayari sa susunod na taon.

Kaugnay nito maraming mga kabataan ang labis na natuwa at nagpapasalamat dahil hindi na umano sila lalayo pa para magsanay ng iba ibang kasanayang ipinatutupad ng TESDA.

Ang bagong Negosyo Center naman ay simbulo ng maraming benepisyo na makakamtan sa tulong ng mga maliliit na negosyante sa bayan ng Samal.

Ang itinayong Negosyo Center sa tabi ng Munisipyo ng Samal ay pang-anim na sa buong Lalawigan at pang 51 Negosyo Center naman sa buong Rehiyon 3.