Mga biktima ng sunog, tutulungan ng pamahalaang panlalawigan

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Makatatanggap ng tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ang walong pamilyang nasunugan sa Quatro Cantos Barangay Omboy, Abucay. Ito ang pahayag ni Gob. Albert Garcia sa isang press conference na ginanap sa kanyang tanggapan sa lungsod na ito noong Lunes.

Ayon pa sa gobernador, inaayos na ang mga kinakailangang dokumento upang maiproseso na sa panlalawigang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang financial assistance na ibibigay sa mga nasunugan para muling makabangon ang mga ito.

“Nagpahanda na ako ng financial assistance nang sa ganoon kahit papaano lalung-lalo na doon sa pamilyang walang naisalba ay magkaroon ng kaunting panustos para sa kanilang basic needs para tuluy-tuloy pa rin ang kanilang buhay” pahayag ng Gobernador.

Binanggit pa ng Gobernador na kailangan pang mas pahusayin ang ating sistema upang mas mapabilis ang pagresponde sa mga lugar na mangangailangan sa panahon ng mga emergency cases.

Sinabi rin ng gobernador na isang dahilan kung bakit mayroon tayong 1Bataan Command Center ay para mayroong magdadala o magdispatch ng ambulansiya o fire truck province wide, lalo na dun sa mga munisipyo na hindi pa kayang makapag invest para sa mga ganitong gamit.