LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Umabot sa 800 milyong piso ang kabuuang halaga ng mga natapos na proyektong pang imprastraktura sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan ng Bataan mula 2014 hanggang 2015.
Ito ang pahayag ni Engr. Enrico Yuzon, hepe ng Provincial Engineer’s Office ng lalawigan nang ito ay kapanayamin sa Power Radio kamakailan lang.
Ayon kay Engr. Yuzon ilan sa mga proyektong ito ay ang 121 road concreting, 43 flood control projects, 66 ng mga Barangay Hall, Health Center at multipurpose hall.
Bilang paghahanda sa K-12 program ng DepEd idinagdag ni Yuzon na patuloy pa rin ang pagpapagawa ng mga gusaling pampaaralan gamit ang Special Education Fund. Mahigit sa 119 na silid-aralan ang naipatayo na sa iba’t ibang eskwelahan sa lalawigan dagdag pa rito ang 810 na mesa at silya na gagamitin naman ng mga guro.
Paliwanag pa ng Provincial Engineer, may natapos na ring 13,100 arm chairs na ipamamahagi sa iba’t ibang eskwelahan sa lalawigan at karagdagang 15,000 mesa at silya para sa mga guro.
Kabilang din sa mga proyekto ng pamahalaang panlalawigan ang pagkukumpuni at pagpapagawa ng mga tulay, daan, flood control projects at farm to market roads sa mga barangay sa iba’t ibang bayan sa Bataan.
Ayon pa rin kay Engr. Yuzon, sa kabila ng laki ng bilang ng mga paaralan sa buong lalawigan, siniguro naman ni Gobernador Abet na sa taong 2016 ay tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay ng tulong sa mga ito gayun din ang mga proyektong pangkaunlaran sa buong lalawigan.