Sa mensahe ni Bise Gobernador, binigyang halaga niya ang mga kulay ng ating watawat na sumasagisag sa kasaysayan ng ating bansa. Sa mensahe naman ni Gob Abet Garcia na binasa ni Atty. Aurelio C. Angeles Jr, Tagapangasiwa ng Lalawigan ng Bataan, binigyang diin niya kanyang paghanga at pagpapasalamat sa mga sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ng ating mga dakilang bayani para makamit hindi lamang ang ating kasarinlan kundi pati na rin ang kaunlarang ating tinatamasa sa ngayon. Binanggit din ang damdamin ng Gobernador ng pagmamalaki sa kanyang pagiging isang Pilipino, isang Bataeno. Sa huli, hinimok ng Gobernador na wag nating sayangin ang nasimulan na ng ating mga dakilang Pilipino. Gaya ng paksa ng pagdiriwang sa taong ito, sundan natin ang kanilang yapak tungo sa malawakan at permanenteng pagbabago.
Natapos ang pagdiriwang sa seremonyal na pagpapalipad ng mga kalapati at lobo, na simbolo ng ating kasarinlan.