Nograles at Garcia, isinusulong ang Expanded Universal Health Care

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Bukod sa pangako ni Cong. Karlo Nograles, Chairman, Committee on Appropriations sa patuloy na pagtulong sa lalawigan sa mga infrastructure projects tulad ng flood control, mga daan at iba pa, ay binigyang – diin din niya ang pagsusulong nila ni Cong. Joet Garcia sa Kongreso ng batas ukol sa, “Expanded Universal Health Care”.
Ayon kay Nograles, kapag naipasa umano ito, para maging batas ay malaking tulong ito sa mga Filipino para mag karoon ng “Free Health Card” na siyang gagamitin upang makapagpagamot ng libre sa mga hospital ang mga mamamayan.
Natuwa si Cong. Nograles sa isinasagawang barangay day ni Cong. Joet kung saan ayon sa kanya ay pinag uusapan ang Edu-child, values, nutrition, kalusugan ng mga mamamayan, lalo na para sa mga kabataan, mga mag aaral, nasa day care at kahit pa mga batang nasa pangangalaga ng kanilang mga ina.
Kaugnay nito, ibinalita niya na kamakailan lamang ay nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na ” Expanded National Feeding Program” kung saan ay mamamahagi ng P5M sa mga public schools sa buong bansa mula day care, kinder hanggang grade VI para sa libreng pagkain ng mga mag aaral lalo na para sa mga malnourished, kasunod umano nito ang “Milk Feeding Program para lalo pang lumakas ang mga mag aaral, at naniniwala siyang wala nang mag aabsent sa klase.
Tiniyak din ni Nograles na ang isinusulong ni Cong. Garcia na upgrading ng Bataan General Hospital into a tertiary medical and training center ay mabibigyan ng sapat na pondo para dumami ang bed capacity nito para sa mga pasyente, maging maayos sila habang tinututukan ang kanilang karamdaman.
Matagumpay na nagtapos ang barangay day na may “hugot” sa kalusugan sa pamamagitan ng zumba ng lahat ng may 3,000 dumalo kasama ang mga opisyales bilang kanilang exercise.