Abucay
Ang Abucay ang pinakauna sa labindalawang bayan ng Bataan na naitatag bilang isang regular na pamayanan noong Hunyo 10, 1588, labing pitong taon buhat nang marating ni Miguel Lopez de Legaspi at ng kanyang hukbo ang Maynila noong 1571.
Matatagpuan sa silangang bahagi ng peninsula, ang Abucay ay nakaharap sa Manila Bay. Ito ay napapagitnaan ng mga bayan ng Samal sa hilaga at ng Lungsod ng Balanga sa gawing katimugan. Sa gawing kanluran nito ay matatagpuan naman ang Bundok Natib.
Sa simula, ang Abucay ay itinuring na isang malayong pueblo ng Pampanga matapos na ang nasabing lugar ay maitatag ng mga misyonaryong Dominikano bilang isang bayan noong 1588. Nagkagayon man, ang Abucay ay patuloy na nasakop ng tinawag na “Partido de Batan,” isang encomienda na ibinigay sa pamamahala ni Tenyente Juan Esguerra de Batan simula noong 1574.
Noong una, ang Abucay ay tinawag na “El Pueblo del Santo Domingo” bilang pagkilala kay Santo Domingo de Guzman, ang patron ng nasabing bayan. Ang dating lawak ng Abucay ay sumakop magmula sa ngayo’y kilala bilang bayan ng Dinalupihan sa hilaga at pababa sa timog hanggang sa Baryo Lucanin (sakop ngayon ng bayan ng Mariveles).
Taong 1754 nang itatag ang Bataan bilang isang regular na lalawigan, hiwalay sa Pampanga, at ang Abucay ay naging bahagi ng bagong probinsya. Binago na rin ang dating pangalan nito, magmula sa “Santo Domingo” ay naging “Abukay” na ito. Ang “Partido de Batan” ay nabago din ang pangalan at naging “Bataan.”
Makasaysayan
Ang Abucay ay kinilala bilang isang makasaysayang bayan. Dito isinilang si Tomas Pinpin, ang kauna-unahang Pilipino na natuto ng sining ng pagsusulat at paglilimbag ng mga aklat. Sa matandang Saint Dominic Church sinasabing nailimbag ni Pinpin ang pinakamatatandang aklat na nalathala sa Pilipinas.
Napatanyag din ang naturang simbahan dahil dito naganap ang isang brutal na masaker kung saan ay “200 Kapampangan ang walang awang pinatay ng mga piratang Olandes na nagtangkang sakupin ang nasabing bayan noong Hunyo 23, 1617.”
Sa Abucay din itinayo ang unang hanay ng pagtatanggol (defense line) ng mga sundalong USAFFE laban sa Japanese Army noong 1942. Ang tinawag na Mabatang Defense Line ay bahagi ng tinawag na Abucay-Morong Defense Line na binuwag ng mga Hapones noong Enero 24, 1942. Ito rin ang naging hudyat sa pagbagsak ng Bataan noong Abril 9, 1942. Sa Abucay din nagmula si Bonifacio Camacho, kinatawan ng Bataan magmula noong 1946 hanggang 1949.
Pangkasalukuyan
Sa kasalukuyan, ang Abucay ay isang third class municipality na ang populasyon ay natala sa daming
37,719 noong taong 2010. Ito ay may sukat na 8,413 ektarya na nahati sa siyam na barangay. Ang mga baryo na matatagpuan sa baybayin ng Manila Bay ay ang Wawa, Omboy, Capitangan, Calaylayan at Mabatang. Dito ay sagana ang mga tao sa paglahok sa mga hanapnuhay na nauugnay sa agri-aqua business. Ang mga baryo ng Gabon, Laon at Salian ay angkop naman sa negosyong pang-agrikultura. Ang Bangkal ay isa ding maunlad na pamayanan na matatagpuan sa paanan ng Bundok Natib.
Ang kapatagan, kabundukan at karagatan ang buong kayamanan ng Abucay. Ang mga ito ay nagbibigay ng sapat-sapat na kabuhayan at pagkain para sa mga mamamayan. Ang Manila Bay ang pinagkukunan ng pagkain ng mga mangingisda ng Abucay. Dito rin matatagpuan ang mga balag na kawayan na bukod sa nagsilbing fish sanctuary ng Bataan ay ginagawa ding pangitlugan at palahian ng mga halaman-at hayop-dagat tulad ng nagsasarapang tahong at talaba. Dito rin inaani at ginagawa ang masarap na bagoong na ipinagbibili sa mga malalaking pamilihan sa Maynila.
Ang Barangay Mabatang ay kilala naman sa paggawa ng matitibay na walis-tambo o walis-lasa na mabiling-mabili sa Maynila, Baguio City at ibang lugar. Ang paggawa ng matitibay na bangka ay isa rin dating pangunahing hanapbuhay ng mga taga-Abucay.
Mga pagbabago
Itinuturing ngayon ang Abucay bilang isang developing town. Sa loob ng nagdaang 12 taon (1998-2010) ay malaking pagbabago ang naganap sa nasabing bayan. Nakapagpagawa dito ang lokal na pamahalaan ng tatlong malalaking lansangan na nagdugtong sa Roman Expresway at lumang Bataan National Road. Dahil dito ay nabuksan sa pagbabago at pag-unlad ang mga dating liblib na bahagi ng Abucay. Maraming bagong pamayanan at negosyo ang nagsulputan sa kahabaan ng mga nabanggit na bagong daan.
Bukod sa naipatayong Abucay Café and Restaurant at Tourism extension office sa Barangay Gabon (sa gilid ng Roman Expressway), nagkaroon din ang Abucay ng isang bagong pamilihang-bayan, memorial park, government center, lying-in hospital, employment at training center, at mga health at day-care centers. Pinaganda din ang munisipyo at nagkaroon ng bagong anyo ang plasa ng Abucay.
Naitayo din sa Abucay ang dalawang bago at malalaking kolehiyo – ang Colegio de San Juan de Letran sa Hacienda Hills, Upper Gabon, at ang Kalayaan College sa Barangay Capitangan. Ito ay mga karagdagang institusyon, katuwang ng Bataan Peninsula State University – Abucay Campus, dating Bataan State College at Bataan National Agricultural School (BNAS) sa Barangay Bangkal. Ang Abucay ay mayroon ding Bonifacio Camacho High School sa Barangay Calaylayan at Mabatang National High School, bukod pa ang 11 paaralang-elementarya.
Napaunlad din ang mga proyektong pangturismo sa Abucay. Isa na rito ang Sibul Spring na nadagdagan ng iba pang pasilidad. Ito ay dinadayo ng mga tao tuwing panahon ng tag-init. Katuwang din sa pagsusulong ng turismo ang Villa Amanda Resort, Raven Resort, RL Abucay County Resort at Bataan Greenhills.
Alamat
Ayon sa aklat na “Bataan History” ni Victor M. de Leon, dating schools superintendent ng Bataan, nilusob umano ng mga Dutch (Olandes) ang Abucay noong 1646, at nagawa ng mga ito na sunugin ang maraming kabahayan sa kabayanan matapos silang mabigo na alipinin ang mga mamamayan nito. Nang makaalis ang mga Dutch ay dali-daling nagbalik sa bayan ang mga tao at isa-isa nilang hinalukay ang abo ng mga nasunog nilang bahay. Umaasa silang masisinop pa ang mahahalagang bagay na hindi nadamay sa sunog.
Sa puntong ito ay dumating umano ang mga Kastila sa Abucay. At gaya ng maraming kuwento na narinig na natin, tinanong ng mga bagong dating na Kastila kung ano ang pangalan ng nasabing lugar. Ang mga taga-Abucay, sa paniwalang tinatanong sila kung ano ang kanilang ginagawa ng mga sandaling iyon, ay tumugon nang ganito: “Abu, kinakaykay…” Kung isasalin sa salitang Inglis, ito ay kasinghulugan ng “scratching the ashes.” Inulit-ulit lang umano ng Kastila ang sinabi ng kanyang napagtanungan bago isinulat sa kanyang listahan ang salitang “Abu kinaykay” bilang pangalan ng nasabing bayan. Di kalaunan, ang “Abu, kinaykay” ay pinaikli at naging “Abu Kay.”
Simula ng Abucay
Ayon naman sa ilang istoryador at imam na pawang Muslim na dumalaw sa Bataan noong 2002, ganito humigit-kumulang ang dahilan kung bakit may “Abucay”: “…Unang nakarating sa Luzon ang mga Muslim na nagmula pa sa Mindanao sa panahong hindi pa dumarating sa Pilipinas ang mga Kastila. Bukod sa Maynila, pinaniniwalaan din na may ilang pangkat ng mga manlalakbay na Moro ang nakarating at nanirahan sa Abucay (noong panahong wala pa itong pangalan).
Ang isa sa huling pangkat na nakarating sa Maynila ay ang sampung datu na pinamumunuan ni Datu Puti. Nanggaling sila sa Borneo at unang nanirahan sa Panay noong ika-13 siglo. Sa Panay na rin nila nabalitaan ang masaganang kalakalan sa Maynila sa pagitan ng mga katutubo at mga dayuhang Intsik at Hapones. Ang pangkat ni Datu Puti ay naganyak ding magtungo sa Maynila para lumahok sa ‘barter trade’ sa Maynila.
Sa kasamaang-palad, sina Datu Lubay (isang Tausog) at Datu Dumangsol (isang Maranaw) ay sa Abucay ipinadpad ng kapalaran matapos nilang sundan ang laksa-laksang ‘migratory birds’ na pabalik na sa mga bansang Tsina at Hapon matapos magpalipas ng “taglamig” sa mga pulo sa Bisaya at Kamindanawan. Ang mga ibon na kinabibilangan ng mga puting tagak (heron), ‘egress’ at iba pang ‘migratory bird’ ay karaniwan nang tumitigil sa Abucay kaysa sa ibang lugar sa Bataan, Pampanga, Bulakan o Kamaynilaan.
May dalawang dahilan kung bakit sa Abucay kadalasang nagtitigil ang mga ibon: una, mababaw ang dalampasigan ng Abucay kaya madali silang makahuli ng makakaing isda mula sa dagat; at ikalawa, sa Abucay lamang may pinakamalapit na bundok magmula sa Manila Bay kaya madali silang makahanap ng mga prutas na bahagi rin ng kanilang pagkain.
Sina Datu Lubay at Datu Dumangsol ang siyang nagbigay ng pangalan sa lugar na una nilang tinigilan. Tinawag nila itong ‘Abukay’ na hinango mula sa dalawang salitang Muslim: ‘abu’ at ‘bukay.’ Ang ABU sa wikang Malay ay ‘ash’ (abo) ang ibig sabihin. Sa salitang Tausug, ang salitang ABU ay katumbas naman ng ‘hari.’ Ang BUKAY ay katawagan naman sa ‘ibon’ sa salitang Muslim. Ang ABU-BUKAY, sa salitang Tausog, ay “haring ibon” ang kahulugan.
Ayon sa mga istoryador na Muslim, minabuti nina Datu Lubay at Datu Dumangsol na tawaging ‘ABU BUKAY’ ang lugar na una nilang nilunsaran sa Bataan. Ang mga tagak, kaypala ang naging palatandaan at sinundan ng iba pa nilang kapamilya na sumunod sa Maynila magmula sa Panay.” Ang mga tagak umano ang itinuturing na ‘haring ibon’ ng mga Muslim noong araw, hindi ang agila. Ibinatay nila ito sa dami, laki at hindi kapani-paniwalang lakas at resistensya ng mga tagak sa pagtawid sa malalawak na dagat at kabundukan para lang makapangibang-bayan kung panahon ng taglamig sa kanilang mga bansa.
Natural lamang na tututol ang mga Amerikano na tawaging “mga haring ibon” ang mga tagak. Sa kanila kasi, ang agila pa rin ang hari ng lahat ng ibon sa mundo. Kaso nga lamang, wala pang Amerikano sa Pilipinas noong ika-13 siglo . Ang totoo’y wala pang Amerika noong panahong iyon. Isa pa’y wala namang malalaking agila sa Pilipinas. Pero ang tagak, napakarami nila sa Pilipinas noon at hanggang sa ngayon.
Hanggang sa kasalukuyan ay bahagi pa rin ng karaniwang ruta ng mga ‘migratory bird’ ang Abucay. Tuloy pa rin ang pagtigil doon ng mga “dayong ibon”. Nitong mga nagdaang ilang taon, ang City of Balanga ay naging bahagi na rin ng paglalakbay ng mga tagak at egress. Katunayan, ang lungsod ay isa nang ‘birdwatch site’ sa buong Pilipinas, salamat kay Mayor Joet Garcia.
Binanggit din ng mga Muslim historian at imam na pinaniniwalaan nilang nagtayo ng isang mosque sa Abucay ang mga sinaunang Muslim na nakarating sa Bataan. Ito umano ay isang patunay na hindi mga pagano ang mga unang Pilipino na nasumpungan ng mga Dominikanong pari pagdating nila sa Bataan noong 1587.
Mga Pinunong Lokal ng Abucay
(1901-2016)
Blg. Taon Alkalde Bise-Alkalde
1 1900-1901 Delfin Santos* Pedro Pilapil
2 1901-1903 Catalino Enriquez Pedro Pilapil
3 1903-1905 Leonardo Ganzon Pablo Caraig
1905-1907 Leonardo Ganzon Pablo Caraig
4 1908-1909 Pedro Pilapil Pablo Caraig
5 1910-1912 Rafael Malixi -none-
6 1912-1916 Lorenzo dela Fuente Sr. Francisco Cunanan
7 1916-1919 Leoncio Limcangco Pablo Caraig
8 1919-1922 Lorenzo dela Fuente Sr. -none-
9 1922-1925 Rufino Guanzon Pablo Caraig
10 1925-1928 Nicolas Flores Francisco Cunanan
11 1928-1931 Felix Ganzon Pablo Caraig
12 1931-1934 Francisco Cunanan Francisco Baluyot
13 1934-1937 Gregorio Ganzon Bonifacio Dominguez
14 1938-1941 Ambrosio Soriano Pedro Munoz
15 1941-1942 Mauro Ganzon Narciso Baluyot
16 1942-1943 Jose Ganzon* Mauro Ganzon
17 1943-1945 Lorenzo dela Fuente Jr.* -none-
18 1945-1946 Mauro Ganzon* Narciso Baluyot
19 1946-1947 Anastacio Valencia* Alfonso Reyes
1948-1951 Anastacio Valencia Antonio Soriano
20 1952-1955 Lorenzo dela Fuente Jr. Ciriaco Manlapid
1956-1959 Lorenzo dela Fuente Jr. Ciriaco Manlapid
1960-1963 Lorenzo dela Fuente Jr. Donato Bascara
1964-1967 Lorenzo dela Fuente Jr. Epifanio Valencia
21 1968-1971 Eliodoro Baluyot Rodolfo Salandanan
22 1972-1976 Celso V. Tagle Angel Estrella
23 1976-1979 Maxima dela Fuente -none-
24 1979-1980 Wilfredo O. Tagle* -none-
25 1980-1986 Maxima dela Fuente Sabino Baluyot
26 1986-1987 Eliodoro Baluyot** Sabino Baluyot
27 1988-1992 Vicente dela Fuente Serafin Alvaran
1992-1995 Vicente dela Fuente Carlos Valencia
28 1995-1998 Carlos Valencia Jessie Yumul
29 1998-2001 Liberato Santiago Jr. Ruben Valencia
2001-2004 Liberato Santiago Jr. Ruben Tagle
2004-2007 Liberato Santiago Jr. Ruben Tagle
30 2007-2010 Ana D. Santiago Dexter Dominguez
2010–2013 Ana D. Santiago Cristina dela Fuente
2013-2016 Ana D. Santiago Cristina dela Fuente