Nabatid na isang linggong idinaos ang nasabing seminar noong nakalipas na linggo na dinaluhan ng mga opisyal at residente ng bawat barangay para maturuan ang mga ito kung ano ang dapat gawin sa panahon ng sakuna partikular na kung mayroong malawakang pagbaha at landslide at maiwasan na mayroong masaktan o masawi.
Sinabi ni Pizarro na sa tulong ni Bataan Gov. Albert Garcia ay nagkaroon sila ng pagkakataon na makasakay sa helicopter at magkaroon ng aerial photo ng mga kabahayan na nasa coastline at mga flood-prone areas kung saan ay madali nilang matutukoy ang mga lugar na dapat na bigyang prayoridad sa kanilang rescue operations.
Bukod sa risk ownership seminar na tutukoy kung sino ang mga kailangang sagipin sa panahon ng kalamidad at sakuna, sinabi ni Pizarro na magsasagawa rin sila ng Incident Command System Training sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP), Municipal Health Office (MHO), Bureau of Fire Protection (BFP), volunteer groups at iba pang ahensya ng pamahalaan para maturuan at maihanda ang mga residente sa kanilang barangay kung ano ang tamang sistema kapag may insidente o di-magandang pangyayari sa kanilang lugar.
Idinagdag pa ng alkalde na tuluy-tuloy na rin ang pagsasaayos ng dike o rip rapping ng Talisay River na bahagi ng P55-M flood control projects sa mga barangay ng Nagwaling, Panilao, Ala-uli, Poblacion at Del Rosario at rechanneling sa mga ilog ng Diwa, Talisay, Tabon ng bayan at Maswahe bilang paghahanda na rin sa panahon ng tag-ulan.