Solusyon sa maraming problema

“ITO na ang solusyon sa maraming problema ng ating mga kababayan: sa edukasyon, kalusugan, at magandang hanap-buhay,” pahayag ni Congressman Jose Enrique S. Garcia III ng Pangalawang Distrito ng Bataan.

Ang pahayag ay ginawa ni Cong. Joet sa groundbreaking ceremonies noong Sabado ng itatayong P1 billion 3-phase housing project sa Barangay Daang-Pare, Orion, Bataan.

Ang pahahay na itatayo sa pamamagitan ng National Housing Authority, Housing Land Use Regulatory Board, at ng lokal na pamahalaan ng Orion at Bataan Capitol ay nakalaan para sa may humigit-kumulang 1,000 pamilya na nawalan ng bahay noong nakaraang taon sanhi ng sunog na tumupok sa 800 kabahayan sa Sityo Depensa, Barangay Capunitan, Orion.

Ayon pa sa naturang kongresista, ang naturang project ay isang modelo ng pabahay na maaaring kauna-unahan sa buong rehiyon at maging sa buong bansa.

“Malaki po ang commitment ng mga stakeholders sa proyektong ito at ito’y malaking tulong sa ating mga mangingisda na biktima ng sunog,” sabi ni Cong. Joet.

Hinikayat din niya ang kanyang mga constituents na samahan siya sa Kongreso sa pagpa-follow up ng mga Panukalang-Batas na kanyang ipinasa sa Mababang Kapulungan.