LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Ang implementasyon ng Integrated Eco-Tourism Development plan ng Mt. Samat Shrine Tourism Enterprise Zone (MSSTEZ) ay hudyat ng pagpapalawak sa industriya ng.
Ito ang naging pahayag ni Architect Techie Banzon Enriquez, Bataan Provincial Tourism Officer sa isang press conference na ginanap sa Board Room ng Governor’s Office kamakailan.
Kabilang sa nakasaad sa comprehensive strategic plan ang pagtatayo ng War Memorial Museum, Ecumenical Chapel, Audio Visual Convention Center, Library Improvement pati na mga pasilidad tulad ng elevator at marami pang inprastraktura na magpapaalala sa mga kabayanihan ng Pilipino at Amerikanong sundalo na nagtanggol ng demokrasya at kalayaan, ayon pa kay Arch. Enriquez.
“Bukod dito magtatayo din ng ng mga hotel, restaurant, souvenir shop, playground, park at iba pa para sa mga lokal at mamumuhunan, idagdag pa dito ang mga service oriented facilities para sa mas matagal na pananatili ng mga turista sa makasaysayang Mount Samat” ani pa ni Arch. Enriquez.
Ipinahayag pa ng Provincial Tourism Officer na marami ang nakakapuna na sa tuwing Araw ng Kagitingan Commemoration Rites sa Bundok Samat na ginaganap tuwing ika-9 ng Abril, ang mahigit 5,000 bisita ay bumabalik na sa kanilang mga bayan pagkatapos ng seremonya sa dahilang wala silang mapuntahan at wala ring mga amenities o facilities para manatili pa sila.
“Kapag naitayong lahat ito sa mga gilid at paanan ng Mt. Samat at nariyan din ang mga naggagandahan at malilinis na beach resorts sa bayan ng Bagac at Morong palagay ko kahit isang linggong pagbabakasyon ng ating mga bisita ay tatagal” giit pa ng Architech.