LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Hinikayat ng mga opisyal ng Lungsod ng Balanga ang lahat ng batang mag-aaral sa siyudad na makibahagi sa programang Butil na Kaalaman para sa mga Kabataan na idinaraos tuwing araw ng Martes at Biyernes.
Ayon kay City Mayor Francis Garcia tuwing sumasapit ang buwan ng Hulyo at Setyembre pagtutuunan ng pansin ng kanyang tanggapan na makilahok ang Grades 5 & 6 elementary students na mapag-aralan ang pagtatanim ng gulay o kaya naman palay sa kani-kanilang bakuran o bukid.
Makikita sa larawan na matiyagang tinuturuan ni Ronie Lopez, City Sr. Supervising Agriculturist ang mga batang mag-aaral mula sa Tuyo Elemenntary School kung papaano ang paghahanay sa pagtatanim ng gulay sa isang garden sa Cataning City Organic Farm.
Sinabi ni City Agriculturist Nerry Mateo, ikalawang batch na ito na mga mag-aaral na lumahok sa ganitong programa para hangga’t bata pa ay maingganyo ang mga ito sa larangan ng pagsasaka.
Idinagdag pa ni Mayor Garcia na tinuturuan ang mga kabataan sa mga ganitong gawain para magkaroon ng malasakit ang mga ito sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim gamit ang organikong pamamaraan tungo sa pagiging Riceponsible.
Inihalimbawa ni Mateo ang pagkain ng ilan nating mga kabataan sa mga restaurant/ fast food chain at karenderia na kadalasan kapag sila ay kumakain ay may natitirang kanin sa hapag ng kainan na hindi dapat.
“Dito sa dalawang araw na pag-aaral, nilalayon na itaas ang level of interest ng mga kabataan sa pagkuha ng kursong pang Agrikultura para sa kanilang pagtanda ay matuon sa kanilang isipan ang kahalagahan ng pagpapagal ng ating mga magsasaka” giit pa ni Lopez.
Buo din ang suporta sa programang ito nina City Vice-Mayor Vianca Gozon, at mga kaanib ng Sangguniang Panlungsod.