“I would like to have a new power plant to operate, iyun ang dapat nating gawin dahil malaki ang ating pangangailangan sa power supply, palaki nang palaki ang nagiging problema sa kakulangan ng koryente sa buong bansa kaya kapag pinaandar ang nasabing itatayong bagong power plant malaki na ang 650megawatt na kayang output para matugunan ang problema sa Luzon. Kaya lang marami pa rin tayong dapat pag-isipan kung papaano ito gagawin, gayundin ang pangangailangan sa Visayas at Mindanao.” pahayag ni Senator Marcos.
Ayon pa rin sa Senador, ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) sa Morong ay nakadisenyo para sa nuclear power plant kaya hindi pwede I convert sa coal fired power plant. Ilan umano sa mga engineers na nakausap ng Senador ang nagsasabi na malaki ang kaibahan sa pagitan ng dalawa at hindi pwedeng ayusin o I restructure ang BNPP sa dahilang halos lahat ng parte ng estraktura nito ay depektibo na kung kaya’t mas mabuti na ang magtayo na lang ng panibagong planta.
Inimbitahan ang Senador sa naturang dialogue dahil siya ang Chairman ng Senate Committee on Public Works and Local Government na makatutulong para malunasan ang pagbaha sa bayan ng Dinalupihan at Hermosa sa tuwing sasapit ang tag-ulan.
Isa sa pangunahing saloobin ng mga taga Bataan lalo na ang mga mangangalakal na kung hindi masosolusyunan ang pagbaha sa Hermosa at Dinalupihan hanggang sa Lubao sa Pampanga, lubhang maaapektuhan ang supply ng mga produktong nanggagaling sa Bataan papunta sa iba’t ibang panig ng Luzon, una na rito ay ang mga produktong petrolyo.
Sinabi pa ng Senador na hindi siya nagpunta sa Bataan para magpakilala para sa 2016 elections. Nasa lalawigan siya upang alamin ang mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng Administrasyon ni Governor Albert Raymond Garcia hinggil sa mga proyektong pang imprastraktura at kung anong tulong ang maibabahagi nito sa probinsiya.
“Hindi pa oras para pag-usapan ang 2016 elections, 2014 pa lang, sa dinami dami ng suliranin ng ating bansa kailangan maghanap tayo ng pamamaraan para masolusyunan ang mga problemang hinaharap ng ating bansa” ani pa ni Senator Marcos.
Hinggil naman sa usapin ng Sangguniang Kabataan hindi siya pabor na tuldukan ang liderato ng mga kabataan sa halip irepormat na lang, at ireset ang eleksyon sa Oktubre 28, 2014 o Pebrero 23, 2015.