banner

Ang Sabay na Paglobo ng Basura at Populasyon

Written by
  • Source A.
  • 5 years ago

Contributed by Alexander J. Salazar – Teacher II, Pablo Roman National High School

 Sa modernong panahong ito, napakaraming kagamitan ang maaari nating magamit upang mapabilis ang ating mga gawain gaya ng cellular phone na nakapagpadali ng komunikasyon, mga sasakyan na nakapagpabilis ng transportasyon, computer na nakapagpagaan sa proseso ng pagsasaliksik at marami pang iba. Subalit sa kagustuhan nating mapabilis ang mga gawain, tila may isang bagay tayong tila napag-iwanan – ang ating kalikasan. Mabilis man nagbago ang panahon, kasabay naman nito ay ang mabilis ding pagdami ng ating basura na nakatambak sa ating kapaligiran.

Tinatayang 1.3 milyong tonelada ng basura ang nalilikha sa buong mundo kada araw. Ayon sa online na pahayagang Waste Management World ng International Solid Waste Association, isang internasyonal na organisasyon na nanghihikayat na bumuo ang mga bansa ng sustainable solid waste management system, ang solidong basura o solid waste ay inaasahang dodoble sa pagdating ng taong 2025. Mula dito, isa ang Asya sa mga nagungunang kontinente na may pinakaraming municipal solid waste. Sa buong Asya, tinatayang isang milyong tonelada ng basura ang nalilikha kada araw ng 4.4 bilyong tao o polulasyon nito.  Sa katunayan, malaki ring bahagdan nito ay galing sa Pilipinas.

Ayon sa isang pag-aaral, ang kabuuang solid waste sa Pilipinas ay patuloy sa pagtaas sa paglipas ng panahon.

Sa pag-aaral na isinagawa ni Vella Atienza na pinamagatang “Review of the Waste Management System in the Philippines: Initiatives to Promote Waste Segregation and Recycling through Good Governance”, ang basura sa Pilipinas ay umabot sa 19,700 tonelada noong 2000. Sa nasabing taon, ang populasyon ng ating bansa ay nasa 76.51 milyon.

Sa pagpasok ng taong 2005, tumaas ang populasyon ng Pilipinas ng 22 porsyento kung saan ito ay umabot ng 85.82 milyon. Kasabay nito, tumaas din ang koleksiyon ng basura sa 24,059 tonelada kada taon.

Noong 2010, muling tumaas ang dami ng basura sa bansa sa 28,875 tonelada. Sa kaparehong taon, pumalo ang populasyon ng bansa sa 92.34 milyon o 20 porsyentong pagtaas mula noong 2005.

Sa paglipas ng mga taon, kasabay na lumolobo ng populasyon ang basura. Dahil lumalaki ang populasyon, dumarami ang pangangailangan ng tao. Isang napakalaking hamon ang iniiwan nito sa ating pamahalaan, partikular na sa mga lokal na pamahalaan, kung paano mapangangasiwaan ang pamamahala sa solid waste.

 Sanggunian:

International Solid Waste Association. 2011.

http://www.iswa.org/fileadmin/galleries/Publications/ISWA_Reports/ISWA_Report_2011.pdf

Atienza, Vella. 2012. Review of the Waste Management System in the Philippines: Initiatives to Promote Waste Segregation and Recycling through Good Governance.

https://www.researchgate.net/publication/265654739_Review_of_the_Waste_Management_System_in_the_Philippines_Initiatives_to_Promote_Waste_Segregation_and_Recycling_through_Good_Governance

Article Tags:
·
Article Categories:
Blog · Education · Environment

Comments are closed.

Shares