P1.6M dagdag na pondo sa Pilar
Ni Jonie Capalaran
PILAR, Bataan – Sinimulan nang itayo ang 2 storey- school building sa likurang bahagi ng Don Pablo Roman High School para magamit ng senior high school sa 2017.
Ayon kay Mayor Alice Pizarro ng Pilar malaking tulong ang itinatayong gusali ng Department of Education sa tulong na ng Provincial Government sa pamamahala ni Bataan Governor Albert Raymond Garcia para sa kanilang mga mag-aaral.
Sinabi rin ni Mayor Pizarro na naglaan ang pamahalaan ng Pilar ng P1.6M para mabakuran ang kabuuang nasasakop na lupa bilang counterpart sa naturang proyekto.
Samantala, siniguro din ni Mayor Pizarro na kapag lumabas na ang permit to sell na galing sa HLURB ano mang araw mula ngayon agad sila gagawa ng resolusyon sa Sangguniang Bayan para sa pagbebenta ng lupa sa loob ng Pilar Memorial Shrine sa Barangay Bagumbayan.
Sa ibang kaganapan, ipinahayag din ni Mayor Pizarro na wala pa umanong badyet ang Department of Public Works and Highway (DPWH) para sa relocation ng mga residente ng Sityo Maisan Barangay Sta. Rosa Pilar.
Ilang kabahayan dito ang mahahagip nang palawakin ang Sta. Rosa Bridge, na nag-uugnay sa Balanga City at Pilar Sa oras na lumabas ang pondo para dito, kasama sa plano na pagandahin ang bukana papasok sa poblasyon para makaingganyo ng mga negosyante.