Kauna-unahang journalism hub sa CL, nasa Hermosa na!

HERMOSA, Bataan – Matagumpay ang ginawang turn-over at launching ng Philstar Journalism Hub na pinangunahan ng mga kinatawan ni G. Miguel Belmonte, President at CEO ng Philstar na ginanap kahapon sa Hermosa National High School-Annex sa Barangay Mabuco ng bayang ito, sa pangunguna naman ni G. Joselito Alipio, Officer-in-Charge Head Teacher lll ng nasabing paaralan.

Ayon kay Gng. Emie Cruz, chief ng Human Resource Department ng Philstar, ang ganitong programa ay taunang ginagawa ng nasabing pahayagan para sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo. Kahapon, ika-17 ng Marso ay ika -31 taong anibersaryo na ng nasabing pahayagan.  

Layunin din ng nasabing programa na mapalawak ang talento ng mga batang mag-aaral sa High School hindi lamang sa Metro Manila maging sa iba’t ibang lalawigan, lungsod at munisipalidad sa buong Pilipinas.

“Inatasan kami ni Sir Miguel para dalhin sa bayan ng Hermosa, ang kauna-unahang Journalism Hub sa Central Luzon para matugunan ang pangangailangan ng mga batang estudyante na may hilig sa paggawa ng balita, pag lay out,  pag edit ng mga istorya, paggamit ng kompyuter at paggawa ng diyaryo gamit ang ibinigay namin na printer” dagdag ni Gng. Cruz

Nagbigay din ang Philstar ng apat na kompyuter, 50 inch. Devant Television, amplifier, projector na may kasamang screen, 2 microphones, 4 na speakers, mga mesa at upuan sa naturang paaralan.

Pinasalamatan ng mga estudyante, mga guro at principal ang ibinahaging tulong ng Philstar anila kanilang pagyayamanin at mamahalin ang mga kagamitan para magamit pa ng mga susunod na batches.